Balita

Duterte ‘di pa tiyak kung bibisita sa Kuwait

- Genalyn D. Kabiling at Leslie Ann G. Aquino

Hindi pa pinal ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Kuwait.

Sinabi ni Presidenti­al Spokesman Harry Roque na pinag-aaralan pa ng Pangulo kung itutuloy o hindi ang pagbiyahe sa Kuwait sa gitna ng pagkondena niya sa mga pang-aabusong dinanas ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf state.

“Sa ngayon po, walang kasiguradu­han kung matutuloy pa ang trip to Kuwait,” ani Roque sa press briefing sa Kalinga nitong Martes.

“Pinag-aaralan po iyan dahil ang inaantay din natin ay senyales galing sa gobyerno ng Kuwait kung paano mabibigyan naman ng katarungan iyong ating mga kababayan na nabiktima ng karumal-dumal na mga pangyayari sa bansang Kuwait.

“Under internatio­nal law po, may obligasyon ang Kuwait na bigyan ng katarungan iyong ating mga kababayan.”

Inimbitaha­n ni Kuwaiti Ambassador to the Philippine­s Saleh Ahmad Althwaikh ang Pangulo na bumisita sa kanilang pagpupulon­g sa Malacañang nitong nakaraang linggo. Nangako rin ang ambassador na poprotekta­han ang mga migranteng manggagawa.

Ngunit natabunan ang imbitasyon ng nakagigimb­al na balita na isang bangkay ng Pilipino ang natagpuan sa freezer sa Kuwait, na ikinagalit ng Pangulo.

“Napakabili­s ng mga pangyayari,” ani Roque.

Bunsod nito nagpasya ang Pangulo na magpatupad ng total deployment ban sa Gulf state. Kinondena rin niya ang pangaabuso sa OFWs sa Kuwait, at nagbabala ng karma sa bansang Arabo.

GUIDELINES SA DEPLOYMENT BAN

Kahapon inilabas ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang guidelines sa total deployment ban ng OFWs sa Kuwait.

Batay sa Administra­tive Order No. 54A, sinasakop ng total deployment ban ang lahat ng uri ng manggagawa na “first time” ipinadala para sa overseas employment sa Kuwait –sa “skill, profession or type of work.”

Gayunman, exempted sa ban ang Balik-Manggagawa o OFWs na nagbabakas­yon sa Pilipinas at magbabalik sa parehong employer para tapusin ang kanilang mga kontrata, at OFWs na magbabalik sa Kuwait na may bagong kontrata sa dating employer.

Hindi rin sakop ng bansa ang seafarers na dadaan o sasakay sa barko mula Kuwait.

Inilabas ang guidelines dalawang araw matapos ipahayag ng DoLE ang total deployment ban noong Pebrero 12.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines