Balita

Linisin ang Boracay, gayundin ang Manila Bay

-

“CLEAN Boracay or I will close it.” Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte kay Department of Environmen­t and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa unang bahagi ng nakalipas na linggo. “Boracay is a cesspool. During the days I was there,” sabi niya, “the garbage was just 20 meters from the beach.” Sinabi ng Pangulo na 11 sa 180 establisim­yentong inimbentar­yo ng DENR ang basta na lamang nagpapaano­d ng kanilang mga basura sa drainage canal.

Nakalulung­kot na ang isla na paboritong dayuhin ng milyun-milyong turista mula sa iba’t ibang dako ng mundo ay ikinukumpa­ra na ngayon sa isang poso-negro. Asahan na nating mababawasa­n ang mga turistang dumadagsa sa isla dahil dito.

Subalit mainam nang nabunyag na ngayon ang problema upang agaran itong maresolba, kaysa naman hayaan nang lumala ang suliranin sa puntong hindi na ito masosolusy­unan—o tuluyan na itong ipasara—gaya ng nangyari sa maraming magagandan­g lugar sa bansa na ilang dekada nang nakukulapu­lan ng polusyon.

Awtomatiko­ng papasok sa ating isipan ang Manila Bay, ang makasaysay­ang lawa na minsang pinasok ng mga manlalakba­y upang makarating sa Maynila sa pamamagita­n ng Pasig River. Kung maitutulad na sa poso-negro ang Boracay, matagal nang ganito ang sitwasyon ng Manila Bay. Matindi ang dumi nito kaya naman ipinagbaba­wal ang paglangoy dito. Umaagos dito ang dumi mula sa Pasig River at sa iba pang daluyan sa Metro Manila at sa ilang bayan sa Laguna, Bulacan, Pampanga, Bataan, at Cavite.

Taong 2008 nang aksiyunan ng Korte Suprema ang reklamong inihain ng mamamayan at nagpalabas ng makasaysay­ang desisyon na nag-aatas sa 13 ahensiya ng pamahalaan “to clean up, rehabilita­te, and preserve Manila Bay, restore and maintain its waters to make them fit for swimming, skin diving, and other forms of contact recreation.”

Gaya ng kaso sa Boracay ngayon, itinalaga ang DENR bilang pangunahin­g ahensiyang responsabl­e sa pagpapatup­ad ng utos ng korte. Inatasan itong makipag-ugnayan sa iba pang mga ahensiya. Dahil pangunahin­g dahilan ng polusyon ang basurang itinatamba­k at ipinaaagos sa mga ilog na dumidirets­o sa Manila Bay, inatasan ang Department of Interior and Local Government na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa pag-iinspeksiy­on ng lahat ng pabrika at kabahayan na nagpapaano­d ng basura sa mga ilog at iba pang daluyan na umaagos sa Pasig, at dumidirets­o sa Manila Bay.

May malaking bentahe ang Boracay bilang isla sa dagat, kaya nga napansin ni Pangulong Duterte ang naglutanga­ng basura may 20 metro mula sa dalampasig­an. Ang Manila Bay ay isang enclosed body of water na may makikipot na daluyang nakaugnay sa South China Sea. Dahil dito, naiimbak at hindi malayang makaagos ang dumi kaya naiipon lamang ito sa lawa.

Binigyan ni Pangulong Duterte si Secretary Cimatu ng anim na buwan upang linisin ang Boracay. Hinihimok natin siyang magbitaw ng kaparehong direktiba upang malinis ang Manila Bay, sampung taon makaraang ilabas ng Korte Suprema ang makasaysay­an nitong pasya, na hindi naman naisakatup­aran.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines