Pagbabakuna ipatitigil ko agad— Noynoy
Sinabi ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III kahapon na kung siya pa rin ang nasa poder ay kaagad niyang ipatitigil ang pagbabakuna ng Dengvaxia nang lumabas ang mahahalagang impormasyon kaugnay sa anti-dengue inoculation program ng gobyerno.
Humarap si Aquino joint inquiry ng House Committees on Good Government and Public Accountability at on Health, sa pagbili ng P3 bilyon halaga ng Dengvaxia vaccines ng kanyang administrasyon.
Tinanong ni Camarines Sur 3rd district Rep. Gabriel Bordado Jr., si Aquino na kung siya pa rin ang Pangulo ay ikakansela ba niya ang vaccination program.
Sinabi ni Aquino na kaagad niyang ipatitigil ang programa kung nalaman niya ang November 2017 findings ng French multinational pharmaceutical company na Sanofi Pasteur, ang gumagawa ng Dengvaxia, na ito ay may masamang epekto sa seronegative patients—o mga indibidwal na hindi pa nagkaroon ng dengue.
“Kaya dinevelop yung vaccine na good for four sero-types ay dahil nga yung posibilidad na mas malalang impeksyon kapag na-impeksyon ka ng ibang strain after nung una,” aniya.
“Ngayon po noong November 2017, bigla na lang iba na ata ang sinasabi, nadagdagan bigla, na kung hindi ka pa na-impeksyon dati, pwedeng lumala intong impeksyon na susunod.
“Parang wala kang proteksyon. Parang baliktad na baliktad doon sa sinabi nila nung una at yan ang gusto kong malaman kung bakit. Yun ang magandang dahilan, kung ako ay namamahala pa ay talagang ihihinto ko yan. Sa dudang yun, sa baliktarang sagot, dapat ihinto,” aniya.
Sinuspinde ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III ang programa noong Disyembre 2017, o matapos mabakunahan ang tinatayang 830,000 batang mag-aaral.
Sinabi ni Duque sa joint House panel kahapon na mayroon nang 39 namatay sa mga batang nabakuhanan.
Bukod kay Aquino humarap din sa pagdinig ang mga miyembro ng kanyang Cabinet, na sina dating Budget secretary Florencio “Butch” Abad Jr., dating Health secretary Janette Garin, dating Internal Revenue Commissioner Kim Henares, dating Presidential Peace Adviser Ging Deles, at dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman.
Nais naman ni Senior Deputy Minority Leader, BUHAY Party-List Rep. Lito Atienza na mabulok sa bilangguan ang mga may pananagutan sa Dengvaxia fiasco, na ikinamatay na ng ilang bata at marami pa ang nalalagay sa panganib.
Sinalag ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga espekulasyon na masyado nang pinopolitika ang imbestigasyon sa Dengvaxia.
“If it is, it is certainly not because of the President. The President has taken a very calm, a very rational approach to this,” ani Roque sa news conference sa Palasyo nang kunan ng pahayag kaugnay sa obserbasyon ni Aquino.
“He has a made declaration that he understands why previous administration decided to use Dengvaxia having been a victim of dengue himself,” dugtong niya.
Ayon pa kay Roque, inaasahan ng Pangulo na makukumpleto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon nito sa kontrobersiyal na programa ng Department of Health para mapanagot ang mga dapat managot.