Balita

Truck driver, tinodas ng ‘gun-for-hire’

- Mary Ann Santiago

Isang truck driver ang patay makaraang dalawang beses na barilin sa ulo ng riding-in-tandem, na hinihinala­ng mga gun-for hire, sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.

Dead on the spot si Randy Galicia Tusoc, 43, ng Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.

Patuloy pang nangangala­p ang Manila Police District (MPD) ng kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa lugar, na makatutulo­ng sa pagtukoy sa dalawang suspek na sakay sa motorsiklo, ang isa ay nakasuot ng sombrero habang naka-helmet naman ang isa pa at armado ng .45 caliber pistol.

Sa inisyal na ulat ni SPO2 Mario Asilo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigat­ion Section (CAPIS), dakong 8:35 ng umaga nitong Linggo nang mangyari ang pamamaril sa paradahan ng truck sa Access Road MICT Compound sa Parola, Tondo.

Nabatid na naglalakad pauwi ang biktima nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem at binaril siya nang malapitan sa ulo bago tumakas.

Batay sa pahayag ng kinakasama ng biktima, matagal nang nakatatang­gap ng pagbabanta sa buhay ang biktima matapos umanong maghain ng pormal na reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) laban sa dating pinapasuka­ng trucking company kaugnay ng isyu sa sahod at benepisyo.

Aniya, sinabi sa kanila ng abogado na nanalo na ang biktima sa kaso sa NLRC at kulang-kulang sa kalahating milyon ang babayaran dito ng kumpanya.

“Pero may nagsabi na papatayin na lang daw ang asawa ko...tapos marami na death threat, may tumatawag at nagte-text na ayaw magpakilal­a,” kuwento ng ka-live-in ng biktima.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines