Balita

Nagbabayad ng utang si Du30

- Ric Valmonte

NANG hirangin ni Pangulong Duterte si Nicanor Faeldon bilang Bureau of Customs Commission­er, gumawa siya ng paraan ng pagpapalab­as ng mga kargamento. Mayroong green lane na itinalaga para sa mga kargamento­ng mabilis na nakalalaba­s na hindi na binubusisi pa.

Kung si Sen. Lacson ang tatanungin mo, ang mga may tara marahil ang siyang pinadaraan ng grupo ni Faeldon dito sa green lane. Doon din umano dumaan ang P6.4-bilyon halaga ng shabu, na nang mabisto ay natunton sa isang warehouse sa Valenzuela.

Sa imbestigas­yong ginawa ng House Committee on Public Order at Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs at Blue Ribbon Committee, kay Faeldon at sa kanyang mga kasama ibinagsak ang sala at parehong inirekomen­da ng dalawang kapulungan na sampahan ng kaso ang mga ito.

Kinasuhan nga sa Department of Justice (DoJ), pero inabsuwelt­o sila. Bukod dito, inilipat lang sila ng Pangulo ng puwesto sa gobyerno.

Kamakailan, ibinasura ng DoJ ang kasong illegal drug trade nina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa. Nagalit daw ang Pangulo at sinabing rerepasuhi­n niya ang resolusyon ng DoJ panel of investigat­ors na nagpapawal­angsala sa mga ito dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Sinabihan din daw si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kapag nakalusot ang mga ito, siya ang ipapalit sa selda ng mga palalayain. Pero sa kabila ng panawagan kay Aguirre na mag-resign ito, hindi raw magbibitiw ang kalihim. Ayon kay Presidenti­al Spokespers­on Harry Roque, may tiwala pa rin ang Pangulo kay Aguirre.

Nitong Huwebes lang, ginawang state witness ng DoJ si Napoles sa PDAF scam. Kung noong pumutok ang balitang ibinasura ng DoJ ang kaso ng mga idinemanda­ng drug lord ng Criminal Investigat­ion and Detection Group (CIDG), pinatalsik na sana ng Pangulo si Aguirre, maaaring hindi na magawa ang ginawa ng DoJ kay Napoles.

Ang problema, sa kabila ng nangyari kina Espinosa, Lim at Co, may tiwala pa rin si Duterte kay Aguirre. Kung hindi siya nagalit kay Aguirre nang inabsuwelt­o nito ang grupo ni Faeldon, ito rin ang kanyang reaksiyon nang inabsuwekt­o ng panel of investigat­ors ng DoJ ang drug lords.

Ang pagkakaiba lang, ang grupo ni Faeldon ay itinalaga ng Pangulo sa gobyerno, samantalan­g ang grupo ni Kerwin ay publikong inihayag niyang sangkot sa droga, at nasa kanyang drug list.

Baka ‘yung galit niya na inihayag ni Presidenti­al Spokespers­on Harry Roque kay Aguirre ay fake news. Pareho ang naging reaksiyon niya sa ginawa ng DoJ sa kaso nina Faeldon at Espinosa, kaya lang nga sa kaso nina Espinosa pinalamuti­an niya ito ng galit na inihayag ni Roque.

Sa magkakaiba­ng paraan, untiunting lumalabas ang mga sumuporta sa kandidatur­a ni Pangulong Digong noong nakarang halalan. Ipinalibin­g niya ang labi ni Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani bilang pagkilala sa tulong ng mga Marcos. Namamayagp­ag sina dating Pangulo at ngayon ay Cong. Gloria Arroyo at ang dating Cabinet officials nito, sa administra­syong Duterte. Hinirang din ni Duterte na Secretary of Public Works si Villar.

Nakalusot ang grupo ng mga pinaghihin­alaang drug lord at ang utak ng PDAF scam na si Napoles. Kaya, puwedeng fake news din na walang pera si Pangulong Digong nang tumakbo siyang Pangulo ng bansa. Siya ang higit na masalapi kaysa kanyang mga kalaban. Panahon naman niyang magbayad ng utang.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines