Balita

8 ‘tulak’ laglag sa QC buy-bust

- Jun Fabon

Walong hinihinala­ng tulak ng ilegal na droga, kabilang ang apat na babae, ang inaresto sa magkakahiw­alay na operasyon sa Quezon City, iniulat kahapon.

Sa ulat na ipinaratin­g ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, unang dinakip ng mga tauhan ng Laloma Police-Station 1 ang mga suspek na sina Jeffrey Ilago, 25; Marlene Cabrito, 33; at Orlando Ilago, 54, pawang ng No. 74 M. Cuenco Street, Barangay Lourdes ng nasabing lungsod.

Naaktuhan umano ang tatlo na nagbebenta ng ilegal na droga at nakumpiska­han ng ilang pakete ng hinihinala­ng shabu sa Cuenco St., Bgy. Lourdes, dakong 4:30 ng madaling araw.

Kasabay nito, inaresto rin sina Lea Ramirez, 38; at Angel Escalona, 22, kapwa ng No. 8 Don Pepe St., Bgy. Sto. Domingo, sa tapat ng kanilang bahay habang inaabot ang droga sa kanilang kliyente at nakuhanan din ng tatlong pakete ng umano’y shabu.

Nalambat din ng Masambong Police-Station 2 si Mark Edward Adriano, 32, ng Bgy. San Jose, sa Gen. Lim St., Bgy. Sta Cruz, na nakuhanan ng tatlong pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.

Dinampot naman ng Novaliches Police-Station 4 si Honeylyn Miranda, 27, matapos makumpiska­han ng 21 pakete ng umano’y shabu, na nagkakahal­aga ng P25,000, at buybust money.

Pinosasan naman si Rasid Sabdani, 51, ng Alsalam St., Salaam Compound, Bgy. Culiat, nang maaktuhang hawak ang isang pakete ng umano’y shabu sa Luzon Ave., Old Balara ng Batasan Police-Station 6.

Naghihimas ng rehas ang mga suspek sa QCPD at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehens­ive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines