Sketch ng nagbanta sa kanya, isinapubliko ni Stormy Daniels
ANG latest twist na pumutok sa Stormy
Daniels scandal ay ang pagsisiwalat ng adult film actress ng sketch ng lalaking umano’y nagbanta sa kanya sa parking lot sa Las Vegas noong 2011, hinggil sa kanyang plano na ibunyag ang lihim na relasyon nila ni Donald Trump.
Ayon sa Variety, inihayag ni Daniels sa The View ng ABC nitong Martes na handa siyang magbigay ng $ 100,000 pabuya sa sinumang makatutukoy sa pagkakakilanlan ng lalaki. Sa itaas ng sketch ay nakadetalye na ang lalaki ay nasa 5’ 9″ hanggang 6′ ang taas, edad 30 hanggang early 40s, at mayroong lean ngunit “fit” na pangangatawan. Isiniwalat ni Daniels,
Stephanie Cliffords ang tunay na pangalan, na nagkaroon siya ng onetime sexual encounter sa ngayon ay Presidente ng Amerika noong 2006, at bago ang 2016 election, ay binayaran siya ng abogado ni Trump ng $130,000 at pinalagda sa NDA kapalit ng kanyang pananahimik tungkol sa kanilang relasyon.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Daniels na nalagay sa panganib ang kanyang buhay, pati ng kanyang anak, kaya napilitan siyang lagdaan ang NDA. Ngayon ay kinakasuhan niya si Trump, upang ipawalang- bisa ang nasabing dokumento.
Ang pagkakakilanlan ng lalaki, aniya, ay maaaring may kaugnayan sa personalidad na nasa grupo ni Trump — habang umamin naman ang personal na abogado ni Trump, si
Michael Cohen, na sinalakay ng FBI ang kanilang opisina dahil sa kaugnayan nito sa kontrobersiya, na siya ang nag-abot ng NDA kay Daniels at nagbayad ng $130,000, na mula sa sarili niyang pera, ulat pa rin ng Variety.
Sa The View, sinabi ni Michael Avenatti, abogado ni Daniels, na may pinagsususpetsahan na sila hinggil sa pagkakakilanlan ng lalaki, “but we want to confirm it.” Itinanggi naman ng abogado ni Cohen na ang kanyang kliyente ay sangkot sa isyu at wala rin umanong alam sa sinasabing pagbabanta.