Pinay summa cum laude sa Wharton School
Isang Pilipina ang nagtapos na summa cum laude sa Wharton School of the University of Pennsylvania sa US.
Si Lara Andrea Montales, 21, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Economics Major in Finance and Business Analytics. Siya ay nag-aral sa Wharton School noong 2014.
Numero uno ang Wharton School sa Forbes’ 2017 Best Business Schools sa Amerika. Summa cum laude ang ipinagkakaloob ng Wharton sa estudyanteng may grade point average (GPA) na 3.80 at 4.00.
Dumalo si Montales sa Wharton School graduation nitong Mayo 13 at isa sa 5,000 estudyante na dumalo sa US university’s 262nd commencement ceremony noong Mayo 14 sa Philadelphia. Naroon ang kanyang magulang at mga kamag-anak upang masaksihan ang kaganapan.
Sa Wharton undergraduate graduation, ang speaker ay ang alumnus na si Jeff Weiner, chief executive officer ng Linked In
TV journalist Andrea Mitchell, chief foreign affairs correspondent ng NBC News at host ng MSNBC’s “Andrea Mitchell Reports” ay ang Penn commencement speaker ngayong taon.
Tumanggap din si Mitchell, university alumna, ng honorary doctor of humane letters degree.
Si Montales ay valedictorian noong elementary sa Colegio San Agustin-Makati at nagtapos na may high honors sa Philippine Science High School-Main (PSHS). Inirepresenta niya ang Pilipinas at nanalo sa international math contests sa ilalim ng tutelage ng Mathematics Trainers Guild Philippines (MTG).
Siya ay naging intern sa Morgan Stanley sa Singapore noong nakaraang taon. Magbabakasyon si Montales sa Pilipinas ngayong buwan upang makapiling ang kanyang pamilya bago bumalik sa US sa Agosto upang magsimulang magtrabaho sa isang consulting firm.