Balita

Ika-59 na labas

- R.V. VILLANUEVA

BINISITA

ni Tandang Egle ang tahanan ng mag-asawang Bening at Dalmacio upang masilip ang kalagayan ni Klaret na binigyan niya ng gamot na pangpaagas.

“Anong ginawa ni Erlinda sa muling pagsakit ng tiyan?” Tanong ni Tandang Egle.

“Dumating daw ang ama ng sanggol na kaniyang ipinagbubu­ntis”, sagot ni Aling Bening. “Alam n’yo namang hindi pangkarani­wang tao ang ama ng kaniyang ipinagbubu­ntis kaya walang oras ang pagdalaw!”

“Ang nilikhang bonggo bang nakatira sa bung-aw na malapit dito sa inyong bahay ang tinutukoy mo, Bening?” Tanong ni Tandang Egle.

“Wala na hong iba,” pag-amin ni Aling Bening.

“Anong gamot ang dinala ng bonggo?” Tanong uli ni Tandang Egle na nakasulyap sa dalagang may diperensya sa pag-iisip.

At sa mga sumunod na sandali, ikinuwento ni Aling Bening kay Tandang Egle ang pagpunta ng nilikhang bonggo sa bahay nila para dalhan ng gamot ang anak na dinadala sa sinapupuna­n ng anak na si Erlinda. Ikinuwento rin niyang napakabisa ng dinalang gamot ng nilikha mula sa daigdig ng kababalagh­an kaya tiyak nilang hindi na malalaglag ang sanggol sa sinapupuna­n ng anak na may diperensya sa pag-iisip. Bagama’t batbat ng hiwaga, hindi sinalungat niTandang Egle ang kuwento ni Aling Bening dahil batid niyang ginagawa ang ganitong kalinga at pagpapahal­aga ng nilikha mula sa daigdig ng kababalagh­an sa babaing dinadala ang anak ng nilikha sa sinapupuna­n. Dahil nakita ni Tandang Egle na masiglang-masigla at masayang-masaya si Klaret, natiyak niyang hindi lang nakontra ng gamot ng bonggo ang ipinainom niyang pampaagas kung hindi, tuluyang napawalan ng bisa.

“Ano bang dinalang gamot ng bonggo?” Tanong ni Tandang Egle. “Dahon po,” sagot ni Aling Bening. “Dahon?” Tanong ni Tandang Egle na bukod sa nag-iisip ng malalim, nagtataka.

“Dahon nga po, Tandang Egle,” sagot ni Aling Bening. “Ngunit hindi pangkarani­wan, kakaiba at kahit si Dalmacio ngayon lang daw nakakita ng ganoong klaseng dahon!”

“May natira pa bang dahon?” Tanong uli ni Tandang Egle.

“Wala na ho, inubos ni Erlinda,” sagot ni Mang Dalmacio. “Pinilit niyang ubusin ang dahon kahit mapait at masama ang lasa ng katas!”

“Mayroon pa ho akong gamot na dahon,” wika ni Klaret na sumabat sa pag-uusap ng magulang at ng matandang albularya at manghihilo­t.

“May natira kang dahon Erlinda?” Tanong ni Tandang Egle.

“Wala na ho, Tandang Egle,” sagot ni Klaret. “Ngunit sabi ng lalaking bumibisita sa akin, may inilipat daw siyang kahoy sa tabing-bahay namin para pagkunan ko ng dahon kapag muling sumakit ang tiyan ko!”

Sa narinig na sinabi ng anak na may diperensya sa pag-iisip, magkasunod na bumaba ng bahay sila Mang Dalmacio at Aling Bening. Bagama’t hindi nayaya, mabilis na sumunod si Tandang Egle dahil tulad ng mag-asawa, inalipin ng malaking pananabik na makita ang halamang sinasabi ni Klaret. Dahil maraming nakatanim na namumulakl­ak na halaman sa paligid ng bahay, magkasunod itong pinagmasda­n nila Mang Dalmacio at Aling Bening kasunod si Tandang Egle para hanapin ang halamang inilipat ng nilikha mula sa daigdig ng kababalagh­ang ama ng ipinagbubu­ntis ng anak. Napatigil ang tatlo sa paglalakad habang nagmamasid sa mga halamang namumulakl­ak na itinanim ni Aling Bening sa palibot ng kanilang bahay. Napatutok ang kanilang paningin sa isang halamang tiniyak ni Aling Bening na hindi niya itinanim kaya naghinala silang ito ang inilipat ng nilikhang bonggo. Halamang ang dahon ay katulad na katulad ng kakaibang dahon na nagpagalin­g sa matinding pananakit ng tiyan ni Klaret.

“Bening, natitiyak mong hindi kasama ang halamang ito sa mga itinanim mo?” Tanong ni Tandang Egle na tulad ng mag-asawa, titig na titig sa halamang kanilang pinagmamas­dan.

“Tiyak na tiyak ho, hindi ako maaaring magkamali, Tandang Egle,” sagot ni Aling Bening.

“Kung gayon, ito ang halamang inilipat ng bonggo na dahong gumamot sa sakit ng tiyan ni Erlinda,” wika ni Tandang Egle na patuloy na pinagmamas­dan ang halaman.

“Wala na pong iba,” sang-ayon ni Aling Bening. “Tanda ko ang lahat ng halamang itinanim ko, kaya hindi ako magkakamal­i!”

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines