Balita

FINAL ANSWER: NO!

DepEd nanindigan vs drug test sa pupils

- Ni JEL SANTOS

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi nito pahihintul­utang isailalim sa mandatory drug testing ang mga mag-aaral na 10 taong gulang lang, matapos na makipagpul­ong ang kagawaran sa mga kinauukula­ng ahensiya ng gobyerno kaugnay ng kontrobers­iyal na panukala.

Nitong Martes ay nagdaos ang DepEd ng tatlong-oras na pulong sa Philippine Drug Enforcemen­t Agency (PDEA), sa Dangerous Drugs Board (DDB), at sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng panukalang isailalim sa drug test ang mga mag-aaral mula sa Grade 4.

Sa nasabing pulong, iprinisint­a ng PDEA, DDB, at PNP ang kani-kanilang datos na tumutukoy sa biglaang pagdami ng mga batang nasasangko­t sa ilegal na droga.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na sang-ayon ang kagawaran na hindi lang pulisya at sektor ng edukasyon ang may problema sa droga, kundi isa itong matinding suliranin ng lipunan.

Gayunman, nanindigan ang DepEd na dapat na limitahan lang ang random drug testing sa mga estudyante sa high school at kolehiyo, alinsunod sa umiiral na batas.

“The important thing is, I think, all of us realize that the drug problem is not only a police problem, or an education problem, it’s a problem of society. And this can only be minimized if society also changes; we are engaged in the same battle, we are using different methodolog­ies and we are focusing on different clientele,” ani Briones.

“Nag-agree kami na kanya-kanya kami ng trabaho—sa amin ang preventive, sa kanila ang enforcemen­t. We have to respect what each of us are doing because we have the same goal, which is to fight illegal drugs,” sabi ni Briones, iginiit na ang mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte ay paigtingin pa ang curriculum para sa mga siyam na taong gulang pataas.

Una nang iginiit ng DepEd na para maisakatup­aran ang nasabing panukala ng PDEA ay kakailanga­ning amyendahan ang Comprehens­ive Dangerous Drugs Act (RA 9165), na nagpapahin­tulot lang sa drug testing sa “secondary and tertiary level students only.”

Matatandaa­ng inulan ng batikos at pagkontra ng mga magulang, mga militanten­g grupo at maging ng ilang senador ang nasabing panukala ng PDEA.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines