Balita

Abogado, 1 pa, kulong sa pambubugbo­g, pamamaril

- Mary Ann Santiago

Kulong ang isang abogado at isang miyembro ng Provincial Security Division makaraang gulpihin at barilin ang isang liaison officer sa tapat ng gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Binangonan, Rizal, kamakalawa ng hapon.

Tinangka pang tumakas ngunit naaresto rin ng mga tauhan ng Binangonan Municipal Police Station, sa pangunguna ni OIC Police Chief Insp. Rolly Buhisan Liegen, ang mga suspek na sina Kevin Ko, 35, abogado, ng 986 Aurora Boulevard, Project 4, Quezon City; at Danilo Llantada, 41, miyembro ng Provincial Security Division at residente ng 115 Sitio Tagete, Barangay Cupang, Antipolo City.

Samantala, isinugod sa ospital si Arvin Samson, 46, liaison officer, ng 83 J.P. Rizal Street, sa Bgy. Calumpang, Marikina City.

Sa ulat ni Rizal Provincial director, Police Senior Supt. Lou Frias Evangelist­a kay Calabarzon Regional director, Police Chief Supt. Edward Carranza, naganap ang insidente sa tapat ng DPWH Building, sa Bgy. Calumpang, sa Binangonan, bandang 3:28 ng hapon.

Katatapos lamang umano ng bidding sa isang road concreting project ng DPWH nang sa ‘di pa batid na dahilan ay nagtalo ang mga suspek at ang biktima.

Bumunot umano ng baril si Ko at dalawang ulit binaril ang biktima.

Narekober sa insidente ang isang Glock pistol caliber 40, isang magazine ng caliber 40 na may apat na bala, isang unit ng Armscor caliber 45, isang magazine ng caliber 45 na kargado ng pitong bala, isang Armscor caliber .38 revolver na may apat na bala, dalawang body bag, isang itim na holster, dalawang fired cartridge case, at isang slug.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines