Feeding program, target ng Basilan bombing
Ang mga batang dumalo sa feeding program bilang bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month ang puntirya ng pambobomba sa Lamitan City sa Basilan, nitong Martes ng umaga.
Ito ang ipinahayag ni international security expert, Prof. Romme Banlaoi.
Ayon kay Banlaoi, ito ay base sa nakalap nilang impormasyon na mas marami pa sana ang nasawi kung hindi naharang ang sasakyang kinalululanan ng suicide bomber, na kabilang sa nasawi sa insidente.
"Ang target talaga nila ay ang feeding program kung kaya pinaigting ang checkpoint," paliwanag ni Banlaoi, na ang tinutukoy ay ang mga batang dumadalo sa Nutrition Month celebration sa lugar.
Aniya, hindi rin malayong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nasa likod ng naturang pag-atake.
Sinabi ni Banloi na hindi bastabasta umaako ang ISIS ng pagatakeng hindi nila suportado o hindi sila ang may gawa.
"Sa pag-aaral po sa ginagawa ng ISIS sa mga pag- claim nila, hindi nagki-claim ang ISIS ng mga insidente na wala silang sanction o hindi nila pinapahintulutan o hindi nila sinusuportahan. Maaaring mag- exaggerate sila sa mga detalye, i- overflow nila ang mga insidente, pero hindi sila magki- claim ng something na hindi kanila. Kaya ako sa aking pag-aaral ng mga previous attacks nila malakas ang aking paniniwala na may kaugnayan sila, hindi lamang dahil kini-claim nila ang pag- atake sa Lamitan, kundi may mga prior information akong nakuha na meron talagang plano na magsagawa ng ganiyan klaseng insidente sa area na iyan with assistance of foreign terrorist personality," dagdag pa ni Banlaoi.
Nanawagan naman kahapon si Lamitan City vice mayor Roderick Furigay sa pulisya at militar na paigtingin pa ang seguridad sa lugar, upang maprotektahan ang mamamayan sa posible pang terroristic attack.
Umapela rin siya sa publiko na i-report agad ang mga kahinahinala sa kanilang komunidad.
"We encourage them to notify the AFP and the PNP for any suspicious people or activities happening in their locality to preempt any terroristic attack," sabi pa ni Furigay.