Nang-umit ng iPhone, timbog
Kalaboso ang inabot ng isang lalaking nag-a-apply ng trabaho makaraan umanong tangayin ang mamahaling cell phone ng mayari ng convenience store at ibenta umano ito sa isang negosyante sa Makati City, Sabado ng hapon.
Sa follow- up operation ng Makati City Police, at sa tulong ng kuha ng CCTV sa tindahan, naaresto si Asurwyn Montallano y Frias, 30, may asawa, ng Belleza Street, Barangay Pinagkaisahan, Makati City.
Dinakip din ng awtoridad ang pinagbentahan ni Montallano ng cell phone na si Jan Jan Talisic Avila, 28, negosyante, ng Masagana Street, Bgy. Rayas, Pateros.
Ang biktima ay kinilalang si Tran Thu Huong, 33, may-ari ng Stardawn convenience store, sa Guererro St., Bgy. Poblacion, Makati City.
Sa ulat ng Makati City Police, dumulog sa kanila ang biktima dakong 6:00 ng gabi at inireklamo si Montallano na tumangay umano sa kanyang iPhone 8 Plus sa loob ng kanyang tindahan, dakong 10:20 ng umaga.
Sa tulong ng CCTV, natukoy ni Huong ang pagkakakilanlan ng suspek, sa tulong ng katabing establisimyento na inaplayan ni Montallano.
Ganap na 6:30 ng gabi nang magkasa ng operasyon ang mga pulis at naaresto si Montallano sa kanyang bahay.
Nalaman sa suspek na ibinenta niya ang cell phone kay Avila, na may stall ng buy and sell ng cell phone accessories sa Guadalupe Mall, kaya dinakip din si Avila at nabawi rito ang cell phone.
Theft ang kaso ni Montallano habang paglabag naman sa AntiFencing Law ang kahaharapin ni Avila.