Balita

Hepe na ‘trigger-happy’, sinibak

- Mary Ann Santiago

Sibak sa puwesto ang isang police precinct commander ng Pasig City nang magpaputok umano ng baril matapos makasagi ng isang behikulo sa Quezon City, nitong Biyernes.

Si Senior Insp. Christophe­r Obrial, hepe ng police community precinct (PCP)-10 ng Pasig City Police ay kaagad na tinanggal sa puwesto ni Eastern Police District (EPD) Director Senior Supt. Joel Bernabe Balba.

Ang pagsibak ay alinsunod na rin sa kautusan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Si Obrial ay pansamanta­lang inilipat sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) ng NCRPO, habang masusi pang iniimbesti­gahan sa kasong kinakahara­p nito.

Tiniyak rin naman ni Balba na walang magaganap na whitewash sa kanilang imbestigas­yon at kaagad na sasampahan ng kaso ang pulis sa sandaling mapatunaya­ng nagkasala ito.

Binigyang-diin pa ni Balba na hindi nila kailanman kukunsinti­hin ang kanilang mga pulis sa anumang maling aksyon o pag-uugali ng mga ito.

Naiulat na nag-ugat ang pagsibak kay Obrial matapos na ireklamo nang umano’y pagkasagi sa isang behikulo at sinasabing pagpapaput­ok pa ng baril sa Boy Scout Circle sa kanto ng Timog Avenue at Tomas Morato, sa Quezon City, dakong 11:30 ng gabi ng Biyernes.

Isang concerned citizen naman ang nagsumbong ng insidente sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10, na kaagad rumesponde at siyang umaresto sa suspek, sa Kamuning Road malapit sa kanto ng Judge Jimenez Street, Quezon City.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines