Balita

Ika-95 labas

- R.V. VILLANUEVA

DAHIL sa balak na biglain ang bantay sa mga ninakaw na hayop na mahimbing na natutulog, dahandahan­g pumasok sa loob ng yungib si Filemon na walang kamalay-malay sa binabalak ng mga tulisan. At dahil sinadya ng grupong siyete pares na walang bantay sa bungad ng yungib, nakapasok ang anak ng nilikhang bonggo na dahan-dahang lumapit kay Katoy na inakalang mahimbing ang tulog. Napatigil si Filemon sa paglapit kay Katoy dahil sa malakas na sigaw na nagbabalan­g tumigil at kung hindi siya titigil, mamatay. Agad niyang natiyak na nalinlang siya at pumasok sa patibong ng makita ang mga tulisang nasa magkabilan­g gilid ng yungib na itinutok sa kaniya ang hawak na baril.

“Inuulit ko, huwag kang kikilos nang masama dahil matatadtad ka ng bala,” babala ni Kumander Zander.

“Kapag sinuway mo ang utos ni Kumander, mamamatay ka kahit anak ka pa ng bonggo,” babala rin ni Kandong.

Labag man sa kagustuhan, napilitan si Filemon na sumunod sa utos ng pinuno ng tulisan. Gustong-gusto man niyang lumaban, nagpigil siya dahil alam niyang matatadtad siya ng bala. Agad ding sumunod si Filemon ng utusan ni Kumander Zander na itaas ang kamay at huwag magtangkan­g lumaban. Dahil nagtutulog-tulugan lamang, nakangitin­g bumangon si Katoy at naglakad palapit sa bungad ng yungib na kinaroonan ng mahigpit niyang karibal sa pag-ibig ni Mirasol. Nagulat nang husto si Filemon ng makilala ang taong inakalang natutulog at nagbabanta­y sa mga ninakaw na hayop. Agad napalitan ng malaking galit ang pagkagulat ng anak ng nilikhang bonggo kaya mabilis naglakad palapit kay Katoy, ngunit natigil dahil sa mga balang tumama sa lupang hahakbanga­n niya mula sa baril ni Kumander Zander.

“Kapag kumilos ka pa sa kinatatayu­an mo, matatadtad ka na ng bala,” babala ni Kumander Zander. “Hindi kami magdadalaw­ang-isip na patayin ka dahil walang halaga sa amin ang buhay ng tao.”

“Tama si Kumander Zander, Filemon,” babala rin ni Katoy. “Walang sinasanto ang nagbabagan­g punglo kaya tiyak na mamatay ka, kapag tinamaan.”

“Mga walanghiya, ninakaw ninyo ang kalabaw namin,” wika ni Filemon. “Pananaguta­n ninyo ang masama ninyong gawain.”

“Hindi mangyayari ang sinasabi mong ‘yan, Filemon,” sagot ni Katoy.

“May koneksiyon sa gobyerno ang mga taong nasa likod nito.”

“Hindi natutulog ang Diyos, Katoy,” wika ni Filemon. “Tiyak na kikilos siya para putulin ang masama ninyong gawain.”

Ngunit katulad ni Kumander Zander at labing tatlo niyang tauhan, tinawanan lang ni Katoy ang babala ng mahigpit na karibal sa pagibig. At dahil sa nakatutok na mga baril, hindi nagawang pumalag ni Filemon ng posasan ng karibal para tiyaking hindi makakagawa ng paraan para makatakas. Hindi na rin siya tumutol ng itulak ni Katoy papunta sa bahagi ng yungib na kinaroonan ng mga ninakaw na hayop. At sa pagnanais ni Katoy na matiyak na hindi makakataka­s si Filemon, ikinadena siya katabi ng mga hayop. Dahil batid ng anak ng nilikhang bonggo na pansamanta­la lamang ang kaniyang pagkagapi, patuloy siyang naghintay ng pagkakatao­n para kumawala sa posas at kadena na tiyak niyang mapuputol kapag ginamit ang angking lakas. At dahil natiyak ni Katoy na natupad na ang maitim niyang balak, buong kasiyahan niyang pinagmasda­n ang karibal na nakaposas at nakakadena sa tabi ng mga hayop.

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines