Batchmates ng pasaway na pulis, madadamay
Ang kasalanan ng isa ay maaaring kasalanan ng lahat.
Ito ang nais iparating ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde sa mga batchmate ng mga bagitong pulis na naaaresto o napapatay sa anti-illegal drugs operations ng pamahalaan.
Sa kanyang direktiba, ipatatawag ni Albayalde ang mga nasabing mga pulis kasabay ng pagsasailalim sa kanila sa background investigation sa posibilidad ng pagsasabwatan sa ilegal na gawain.
Inilabas ni Albayalde ang direktiba kasunod ng pag-aalok ni Pangulong Duterte ng P5-milyon pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga pulis na nadadawit sa ilegal na droga hanggang sa ikapapaslang ng mga ito.
Aniya, kinakailangang ipatawag at iharap sa imbestigasyon ang mga batchmate ng mga rookie cop na naaaresto o napapaslang sa mga isasagawa pang operasyon ng pulisya kontra scalawags.
“From here on, if we would arrest a new graduate who has a rank of Police Officer 1, we will call on the whole batch and we will subject them to background investigation. This is to ensure that no one among them are in cahoots with that of the arrested rookie policeman,” aniya.
Nauna na ring nagpalabas ng kautusan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) humarap sa pulisya ang batchmate ng isang pulis na nadakip kaugnay ng pambubugbog nito sa misis nito dahil sa pagbubunyag sa pagkakasangkot sa illegal drugs.