Maaring magkaroon ng malaking gampanin ang alyansang ito sa halalan
MAY dalawang buwan pang nalalabi bago ang paghahain ng sertipiko ng kandidatura sa Oktubre para sa mga nais kumandidato para sa May 2019 elections, ngunit nagsisimula nang kumilos ang mga inaasahang kandidato sa pangangalap ng suporta at pagbuo ng mga alyansa.
Ang nakatakdang halalan ang maghahalal sa gobernador at iba pang probinsiyal na opisyal, mayor at iba pang posisyon para sa lungsod at bayan. Mas higit na nakikilahok ang mga botante sa lokal na halalan kumpara sa pambansa lalo’t mas kilala nila ng personal ang mga kandidato at maraming lokal na isyu ang nakapaloob dito.
Pipili rin tayo sa halalan sa susunod na taon ng 12 senador, kalahati ng 24 na miyemro ng Senado, at isa ngang grupo ang umusbong nitong Lunes, na binubuo ng mga miyembro ng iba’t ibang pambansang partido at ilang lokal. Pinangungunahan ang alyansa nina Davao Mayor Sara Duterte Carpio ng rehiyonal na Hugpong Pagbabago, Senador Cynthia Villar ng Nacionalista Party, at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ng Ilocano Timpuyog at ang NP Ilocos Norte chapter.
May ilang babaeng opisyal ang nasa alyansa—Gobernadora Lilia Pineda ng Pampanga of Kambilan, Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ng Serbisyo para sa Bayan, at Taguig Rep. Pia Cayetano. Sinamahan sila ng ilang lalaking opisyal—mga senador, kongresista, gobernador, mayor, miyembro ng gabinete, at iba pa—ngunit ang kababaihan sa grupo ang nangibabaw at napipisil na mamumuno.
Ang paglulunsad ng bagong pambansang alyansa na pinamumunuan ng isang rehiyonal na partido ang muling nagpalitaw sa ilang mga katanungan hinggil sa mga rehiyonal na partido na hindi nagkaroon ng mahalagang gampanin simula nang maibalik ang demokratikong pamahalaan matapos ang batas militar at diktaturyal na pamumuno noong 1986.
Ang katapatan sa isang partido ay naging maliit o nawala na sa mga nakalipas na taon, sa mga opisyal na handang tumalon ng bakod mula sa isang partido patungo sa kabilang partido, depende kung sino ang mananalo sa huling pampanguluhang halalan. Naging prominente ang Partido Liberal sa panahon ng dating administrasyong Aquino mula 2010-2016, ngunit madali lamang nalagas ang mga miyembro nito nang maglipat-bakod sa PDP-Laban na tumulong sa pagkapanalo ni Pangulong Duterte noong 2016.
Ngayong nahati na sa dalawa ang PDP-Laban. Ang mga nangunguna nitong opisyal—Chairman Aquilino “Koko” Pimentel III at Secretary-General Pantaleon Alvarez—na magkasunod na natanggal sa kanilang mga posisyon sa Senado at Kamara. At ngayo’y malaking grupo ng mga miyembro ng partido ang humiwalay na at naghalal ng sarili nitong opisyal ng partido.
Sa paglapit ng 2019 midterm elections, sinisimulan na ng mga pulitikal na lider ang kanilang pagkilos ngunit ang itinatag na mga partido ay maaaring hindi magbigay ng malaking gampanin sa proseso nito. Sa halip, mayroon tayong mga alyansa tulad ng isang pinamumunuan ng Hugpong ng Pagbabago na nakaagaw ng malaking atensiyon sa publiko dahil sa pinuno nito, si Mayor Sara Duterte Carpio, at ang maraming babaseng opisyal na nakilahok dito. Maaari itong magkaroon ito ng malaking gampanin sa darating na halalan.