Buhay Maralita
ANG bahay ang isa sa pinakahalatang senyales ng kahirapan. Lalo sa mundo nating mabilis sumisibol ang kalunsuran o urbanisasyon, ang mga naiiwan sa karalitaan ay sumisingit sa pagitan
ng mga gusali at subdibisyon, o di kaya, nasa mga lugar na mapanganib.
Kaya nga ang buhay maralita sa ating bansa ay mas miserable ngayon, lalo pa’t tila mas nagiging mabangis ang hanging habagat at mga bagyo. Ang bahay na barungbarong ay walang laban sa hangin at ulan, lalo na sa rumaragasang ilog. Hindi maiwasan para sa maralita ang manatili sa ganitong uri ng mga lugar. Ito lamang kasi ang accessible o abot-kamay ng baryang kinikita nila sa araw-araw.
Ayon sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), may survey ang National Housing Authority noong 2011 na
nagsasabi na 1.5 million na ang informal settler families sa ating bansa. Mahigit kalahati nito ay nasa mga mapanganib na lugar.
Noong 2015, ang HUDCC ay may pagsusuri rin na nagsabi na tumaas na ang bilang ng informal settler families sa 2.2 million, kahit pa may isang milyong housing units na ang na-subsidize ng pamahalaan simula 2010. Mula 2011 hanggang 2016, ang backlog na ito ay tinantya nilang aabot ng 5.7 million. Taong 2018 na ngayon, gaano na karami ang informal settlers sa atin?
Ang University of Asia and the Pacific ay may isang pag-aaral na nagsasabi na ang bagong housing need mula 2016 hangang 2030 ay
nasa 5.6 million, ito ay karagdagan mula sa 6.7 milyong housing backlog mula 2001 hanggang 2015. Kaya’t suma total, tinatayang pagdating ng 2030, nasa 12.3 million na ang ating housing backlog. Kaya ba natin ito, kapanalig?
Malaki ang pangangailangan ng ating bayan pagdating sa pabahay, kaya nga lamang, isa ito sa mga isyu ng ating lipunan na kay hirap bigyan ng karampatang lunas. Lalo ngayon kung kailan mataas na ang bilihin. Wala ng matitira pang salapi ang maralita para makaipon ng pangarap na bahay at lupa.
Kapanalig, ang pagkakaroon ng bahay ay isa mga pangunahing karapatan ng tao. Ito ay nakaluklok
sa Universal Declaration of Human Rights at kinikilala ng ating Konstitusyon. Ang nakakalungkot, ang mga Filipino at ang pamahalaan nito ang hindi sapat ang paggalang at pagtugon dito.
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay nagpapa-alala sa atin na ang pagkakaroon ng bahay ay isang mahalagang salik ng dignidad ng tao. Ayon nga kay Pope Francis sa Laudato Si, “Ang pagkakaroon ng tahanan ay malaki ang kontribusyon sa dignidad ng tao at sa pag-lago ng pamilya.” Sa tahanan, ating nakilala ang sarili at natutunan kung paano ba ang magmahal. Kung walang bahay, paano na ang pamilyang Pilipino?