Tumakas sa buy-bust, tigok
Patay ang isang drug suspect nang mabaril ng mga pulis at tumalon sa estero sa pagtatangkang makatakas sa buy-bust operation sa Barangay Palatiw, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang suspek na kinilala sa alyas na Carlo, dahil sa tatlong tama ng bala sa katawan habang tinutugis ang kanyang kasabwat.
Sa ulat ng Pasig City Police sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director, Police Senior Supt. Joel Bernabe Balba, naganap ang insidente sa Parian Creek, sa Bgy. Palatiw, dakong 10:40 ng gabi.
Una rito, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) laban kay Carlo at sa kanyang ‘di pa nakikilalang kasabwat, na kapwa umano kilalang tulak ng ilegal na droga at holdaper sa kanilang lugar.
Nang magkaabutan ng isang pakete ng shabu at buy-bust money si Carlo at ang poseur buyer, ay nakahalata umano ang ‘di pa nakikilalang suspek, na nagsilbi umanong lookout, na mga pulis ang katransaksiyon kaya agad na humarurot at iniwan si Carlo.
Sa halip na sumuko, tumakbo umano si Carlo habang binabaril ang poseur buyer na hindi tinamaan.
Napilitang gumanti ang mga pulis at tinamaan ang suspek bago nakatalon sa isang estero.
Hinanap ng mga pulis ang suspek sa creek at nang matagpuan ay isinugod sa ospital, ngunit patay na ito.
Narekober kay Carlo ang isang homemade revolver, na may apat na bala; at apat na pakete ng hinihinalang shabu.