Balita

Nanapak ng enforcers, huli sa boga, granada

- Nina BELLA GAMOTEA at FER TABOY

Ilang mga baril, bala at granada ang nakumpiska ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Makati City Police sa bahay ng negosyante­ng si Arnold Padilla, na nag-viral sa social media dahil sa pambubugbo­g sa mga traffic enforcers, sa Makati City, kahapon.

Mismong si NCRPO Regional Director Guillermo Eleazar ang nanguna, kasama ang mga tauhan ng Regional Special Operations Unit (RSOU), sa pagsisilbi ng search warrant sa dalawang bahay ni Padilla sa San Antonio Street, Magallanes Village ng nasabing lungsod dahil sa umano’y pagiingat ng ilegal na baril, bandang 7:00 ng umaga.

Sa inisyal na ulat, narekober sa bahay ni Padilla ang dalawang hand grenade, isang shotgun, isang caliber .45 pistol at ilang mga bala.

Sa paggalugad sa bahay ng negosyante, dumating ang dalawang abogado ni Padilla, sina Atty. Raymong Fortun at Atty. Virgilio Batalla, na kinuwestiy­on ang search warrant.

Ayon kay Atty. Fortun, hindi ini-specify ang lugar kung saan nakatago ang sinasabing ilegal na baril.

Bukod dito, kinuwestiy­on ng dalawang abogado ang pagsilip sa sasakyan ni Padilla dahil hindi umano kasama sa search warrant.

Sa gitna ng operasyon, sumama ang pakiramdam at nakaranas ng pagkahilo si Padilla nang arestuhin siya ng mga pulis.

Hindi pinagbigya­n si Padilla sa hirit niyang maisugod sa ospital, sa halip ay idiniretso siya sa NCRPO Headquarte­rs sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Ngunit makalipas ang ilang oras, dinala sa ospital si Padilla dahil sa mataas na presyon.

Kamakailan, naging laman ng balita si Padilla dahil sa pananakit sa mga traffic enforcers na sumita kanya at sa kanyang mga body guards sa paglabag sa batastrapi­ko.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines