Balita

CLOSURE BAGO MOVE ON

Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at BEN R. ROSARIO

-

Taumbayan ang magsasabi kung kailan—Koko

Wala sa posisyon ang pamilya ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang manawagan sa bansa na mag-move on o kalimutan na ang mga nangyaring inhustisya sa maraming taon ng pagpapaira­l ng batas militar at diktadurya ng dating presidente 32 taon na ang nakalipas.

Ito ang iginiit kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, at sinabing ang mga Pilipino, partikular ang mga biktima ng kalupitan ng martial law, ang dapat magsabi kung kailan dapat mag-move on ang bansa.

“Ang nagsasabi kasi ng ‘move on’ ay ‘yung biktima, eh, hindi ‘yung mga nakaagraby­ado. Hindi sila ang puwedeng magsabi na ‘mag-move on na kayo, kayong mga naisahan namin, mag-move na kayo’,” sinabi ni Pimentel sa isang panayam sa radyo.

Ito ang reaksiyon ni Pimentel sa apela kamakailan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na mag-“move on” na ang kritiko ng kanilang pamilya sa diktadurya ng kanyang ama, na sinegundah­an naman ng kapatid niyang si dating Senador Bongbong Marcos Jr., dahil mas mahalaga umanong tutukan ang maraming problemang kinahahara­p ng bansa ngayon.

“Ang magsasabi na ‘we can move on’ ay ‘yung mga nabiktima. Hindi puwedeng galing sa perpetrato­r ng injustice or hardship na ‘magmove on na kayo, tapos na. Naisahan namin kayo, nagamit na namin kayo, mag-move on na kayo’.

“’Yung taumbayan ang magsasabi na ‘sige, papatawari­n na namin kayo.’ Hintayin nila ‘yun, hindi puwedeng sila and magsabi na mag-move on ang tao. Sila ang sasabihan ng taumbayan. Ganoon po ang tamang sequence,” sabi ni Pimentel.

Una nang inulan ng batikos mula sa mga militanten­g grupo, ng ilang mambabatas, at ng Simbahan ang nabanggit na apela ng gobernador­a.

Ikinumpara pa ni Senator Bam Aquino ang “moving on” sa pakikipagr­elasyon; sinabing karaniwan nang ang nakasakit sa karelasyon ang umaapela ng “move on” habang ang nasaktan ay naghahanga­d pa rin ng “closure”.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Bongbong Marcos na bagamat naniniwala siyang hindi dapat bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte—na una nang nagsabi na aalis lang sa posisyon kung ang una ang hahalili sa kanya—handa naman ang dating senador na pamunuan ang bansa at magiging prioridad niya ang “return of good governance”.

“I think the President is doing all of this tongue-in-cheek,” sinabi ni Bongbong sa Nanka news forum nitong Biyernes, na tinanong din kung ano magiging unang tatlong prioridad niya sakaling palitan nga niya si Duterte bilang presidente.

“Hindi na kailangan magsabi ng top three, we just have to return to good governance,” sabi ni Bongbong.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines