Dumating na ang panahon para sa Cordillera Autonomous Region
SA pagpapatibay at paglagda sa Bangsamoro Basic Law, nabaling naman ang atensiyon ng bansa sa Cordillera Organic Law, House Bill 5343, “An act establishing the Autonomous Region of the Cordillera (ARC),” na inihain ng mga kongresistang kumakatawan sa anim na probinsiya at isang lungsod na bubuo sa awtonomiyang rehiyon.
Ang panukalang-batas ay inihain sa Kongreso noong Marso 20, 2017, nina Representative Teddy B. Baguilat, Jr., ng Ifugao; Joseph Sto. Nino Bernos, ng Abra; Eleonor Bulut Begtang, ng Apayao; Ronald M. Cosalan, ng Benguet; Maximo B. Dalog, ng Mountain Province; Allen Jesse C. Mangaoang, ng Kalinga; at Mark O. Go, ng Baguio.
Ilang taon bago ang rebolusyon sa EDSA noong 1986, ilang grupo ng mga taga-Cordillera ang naghimagsik laban sa pamahalaan, upang ipanawagan ang diskriminasyon at pagbabalewala at ang paghingi ng pagkilala sa kanilang karapatan bilang mga katutubong mamamayan ng kanilang mga minanang lupain. Tuluyang isinuko ng Cordillera People’s Liberation Army, na pinangunahan ni Conrado Balweg, ang kanilang laban sa isang kasunduang nilagdaan noong 1986. Sa sumunod na taon, naglabas si Pangulong Corazon C. Aquino ng Executive Order 220, na lumilikha ng Cordillera Administrative Region, kasama ang mandatong—pangasiwaan ang tungkulin ng pamahalaan sa rehiyon, palakasin ang ekonomiya at pag-angat ng lipunan at pag-unlad, at ihanda ang rehiyon para sa pagtatatag ng Cordillera autonomous region.
Ang Bangsamoro at ang Cordillera region ay naging bahagi ng Konstitusyon ng 1987, sa Seksyon 15, Artikulo X, na nagsasaad na: “There shall be created autonomous regions in Muslim Mindanao and in the Cordillera consisting of the provinces, cities, municipalities, and geographic areas sharing common and distinctive historical and cultural heritage, economic and social structures, and other relevant characteristics.”
Dalawang organikong akto na nagtatatag sa Cordillera Autonomous Region ang bigong maratipika noong 1990 at 1998, kasama ng pag-aaral na naghahayag na dahil ito sa kakulangan ng pang-unawa ng mga tao sa isyu ng awtonomiya, na pinalala pa ng maling impormasyon na kampanya ng ilang sektor.
Sa kaagahan ng taong ito, idinaos ang isang Cordillera Leaders Forum kung saan pinatatag ang suporta sa awtonomiyang rehiyon, kasama ng mga ibinibigay na lakas at pag-asa mula kay Secretary Jesus Dureza ng Office of the presidential Adviser on the Peace Process ng bagong administrasyon. Mismong si Pangulong Duterte ay nagpahayag ng kanyang suporta para sa hangad ng Cordillera na maging isang awtonomiyang rehiyon na mandato ng Konstitusyon.
Tunay ngang hinog na ang panahon para sa pagtatatag ng Autonomous Region of the Cordillera. Isinasaad sa paliwanag na tanda ng House Bill No. 5343 na: “Cordillera autonomy is seen as the most effective option to provide the region with the needed solid foundation to pursue sustainable development as the region hopes to benefit from the management and use of its natural resources. Cordillera autonomy will bring the national attention as well as the benefits of accepting and promoting cultural diversity through the formulation of multi-cultural; policies for indigenous peoples.”
Ipinanawagan kamakailan ng mga senador, kongresista at iba pang opisyal ng Mindanao ang mabilis na pag-apruba sa House Bill 5343. Kasama ng pagbanggit sa suporta ng mga mambabatas ng Luzon para sa Bangsamoro Organic Law, hangad ng mga kongresista ng Mindanao na maibalik ang pabor at ipanawagan ang mabilis na pagpasa ng organikong batas para sa CAR: “We must give our brothers in the north the same autonomy we gave our brothers in the south,” pahayag ni Rep. Manuel F. Zubiri ng Bukidnon.
Ang habambuhay na pangarap ng mga mamamayan ng Cordillera ay maisasakatuparan kapag inaprubahan ng Kongreso ang Cordillera Organic Law at malagdaan ito bilang ganap na batas ni Pangulong Duterte. Umaasa tayong nalalapit na ang araw na ito.