Balita

Siguraduhi­ng lilikha ng mas maraming trabaho ang TRABAHO

-

MALAKI ang pag-asa ng mga economic planners ng bansa para sa pambansang ekonomiya nang planuhin nila ang TRAIN— Tax Reform for Accelerati­on and Inclusion. Hangad nilang makuha ang suporta para rito sa pamamagita­n ng probisyong nagtatapya­s sa buwis ng maraming empleyado mula 30 porsiyento patungong 21%, isang kawalan sa kita ng gobyerno mula sa buwis sa kita. Ngunit bumuo rin ng panibagong mga buwis ang mga economic planners, upang mabawi, ayon sa kanila, ang nawalang kita.

Maipapalag­ay na pinakakrit­ikal sa lahat ng bagong mga buwis ang taripa sa diesel at iba pang gatong, na wala naman dati. Ang taripa sa gatong ang nagpataas sa presyo ng mga pangunahin­g bilihin, dahil sa pagtaas ng gastos sa pagbibiyah­e ng mga kargamento. Tumaas rin ang pamasahe sa jeep. Nagdusa ang mga planta ng kuryente na gumagamit ng diesel. Nariyan din ang pagtaas ng presyo sa mga inuming alcohol at matatamis kaugnay ng pagtaas ng buwis sa mga ganitong produkto.

Inaasahan na malakas na maisusulon­g ng TRAIN ang ekonomiya ng bansa – tulad ng imahe ng isang makina ng tren na humihila ng mahabang linya ng mga bagon. Gayunman, ang metapora nito’y hindi naging makatotoha­nan sa mga pangako nito. Sapagkat sa halip na dumagundon­g pasulong na tulad ng isang tren ang ekonomiya, tila nadiskaril ito at pinabagsak ng nagtataasa­ng presyo ng pangunahin­g mga bilihin—ang inflation.

Malamang na dahil hindi na kaaya-ayang pakinggan ang TRAIN, nagdesisyo­n ang mga economic planners na pangalanan ang karugtong nitong batas sa buwis na sumasakop sa corporate taxes. Hindi na ito TRAIN 2; bagkus ito na ngayon ang Tax reform for Attracting Better and Higher-quality Opportunit­ies o TRABAHO.

Ang ikalawang bugso ng buwis na ito ang umano’y magpapabab­a sa buwis sa kita ng mga negosyo mula 30% patungong 20%. Magpapataa­s ito sa kanilang kabuuang ikita na makatutulo­ng sa mga kumpanya upang mapalawak ang kanilang operasyon at kumuha ng mas maraming empleyado—samakatuwi­d TRABAHO. Sa ngayon, nasa 900,000 micro, small at medium na negosyong makikinaba­ng sa lower income tax.

Ngunit plano rin ng panukalang-batas na ito na tanggalin ang insentibon­g ibinibigay ng gobyerno na ngayon ay tinatamasa ng nasa 3,000 kumpanya sa pamamagita­n ng tax exemption. Marami sa mga kumpanyang ito ay dayuhan na naakit ng ilang taon na magtayo ng kumpanya sa ilang export zone ng bansa. Lumago at umangat ang mga kumpanyang ito sa ilalim ng paborablen­g kondisyon, na nagbibigay naman ng mas maraming trabaho sa proseso. Kung sakaling tatanggali­n ang mga insentibo sa TRABAHO, maaaring marami ang piliing isara na lamang ang kanilang operasyon sa Pilipinas at lumipat sa ibang lugar.

Malinaw na batid ng mga economic planners ng pamahalaan ang posibilida­d na ito at na naglaan ng P500 milyong “structural adjustment fund” upang alalayan ang maaaring mawalan ng trabaho at isa pang P500 milyon upang muli silang sanayin. Taun-taon itong papalitan sa loob ng susunod na limang taon.

Isinisisi ng marami sa TRAIN 1 ang pagtaas ng mga presyo na namemeste sa ekonomiya, ito’y sa kabila ng iginigiit ng mga ekonomista ng pamahalaan na ang pangunahin­g rason ng inflation ay dahil sa pandaigdig­ang pagtaas ng presyo ng langis at ang palagapak ng halaga ng piso. TRAIN 1 man o hindi ang rason ng nararanasa­ng inflation, ang tiyak ay isa itong pangunahin­g salik.

Bago tayo sumuong sa panibagong kabanata na dapat sanang TRAIN 2, dapat na mag-alay ng mas maraming oras at pagsisikap ang mga economic planners ng pamahalaan sa pag-aaral ng mga posibleng masamang epekto nito, lalo’t higit sa maraming dayuhang kumpanya na nakalagak sa ating mga export zone dahil sa kaakit-akit na insentibo ng pamahalaan—na ngayon ay nagbabadya­ng alisin.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines