Balita

6 todas sa pamamaril sa NorCot

- Malu Cadelina Manar

KIDAPAWAN CITY – Anim na katao ang napatay sa magkakahiw­alay na insidente ng pamamaril sa apat na bayan ng North Cotabato, kamakailan.

Sa panayam, binanggit ni Supt. Ramel Hojilla, Kidapawan City Police chief, na ang pinakahuli­ng biktima ng pamamaril ay nakilalang si Pepe Salandron Pandio, 46, ng Barangay Magsaysay, nagtatraba­ho bilang collector ng Small Town Lottery (STL) sa Kidapawan City.

Apat na tama ng bala ng .45 caliber pistol ang tumapos sa buhay ni Pandio, nang pagbabaril­in ito habang nangongole­kta ng taya sa STL sa Bgy. Magsaysay, nitong Sabado, dakong 10:30 ng umaga.

Napaslang din sa nasabing lungsod si Bryan Acosta Abanilla, mekaniko, ng Poblacion; at Mark Gilbert Ong Benler, trabahador, ng Talisay St., Poblacion.

Sa Bgy. Guiling, Alamada, North Cotabato, napaslang din si Rene Matas, nang barilin ng hindi nakilalang lalaki, nitong Sabado ng umaga.

Dalawang tama ng bala naman ang kumitil sa buhay ni Michael Lawrence Onga Relatado, 37, ng Digos City, Davao del Sur, nang paputukan ito ng isang hindi nakilalang lalaki, sa President Roxas, nitong Linggo, dakong 10:00 ng umaga.

Isang mekaniko naman ang nirapido sa Bgy. Osias, Kabacan, North Cotabato, nitong Linggo, dakong 10:45 ng gabi.

Ang biktimang si Rofel Tomas Domingo, 27, ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng pagkasawi nito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines