Carpio, susunod na SC Chief Justice
HANDA nang lumahok si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio para sa puwesto ng Chief Justice ng Korte Suprema ngayong ibinalik na ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang seniority rule sa paghirang ng magiging Punong Mahistrado.
Dapat nating papurihan ang ating Pangulo sa puntong ito. Noong panahon nina ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at ex-Pres. Noynoy Aquino, kapwa nila binalewala ang seniority rule at ang hinirang nila ay parehong hindi pa “hinog” sa puwesto.
Si SC Chief Justice Teresita Leonardo-De Castro ay nakatakdang magretiro sa edad na 70 sa Oktubre 8. Ito ay mandatory retirement. Wala pang dalawang buwang manunungkulan si De Castro. Samakatwid, maghahanap uli ang Judicial Bar Council (JBC) ng irerekomenda kay PRRD sa Supreme Court.
Tumanggi si Carpio sa nominasyon sa pagka-Chief Justice bunsod ng delicadeza o propriety dahil ayaw niyang makinabang sa pagkakapatalsik kay ex-Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, sa pamamagitan ng quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.
Kontra siya sa pamamaraan ng ouster ni Sereno sapagkat naniniwala siyang sa pamamagitan lang ng impeachment mapapatalsik si Sereno o sinumang mahistrado at iba pang kasapi ng constitutional bodies.
Ipinahayag ni PDu30 na ang paghirang kay CJ De Castro ay batay sa seniority rule at meritocracy. Hindi kasama sa nominasyon si Carpio kahit siya ang most senior dahil nga tinanggihan niya ito.
Ayon sa sources, maaari na ngayong tanggapin ni Carpio ang automatic nomination “dahil wala nang delicadeza issue or legal reason to decline.” Sa seniority rule, pasok si Carpio. Sa meritocracy, pasok din siya.
Kapag hinirang si Carpio bilang Punong Mahistrado ni PRRD, maituturing na “korona” ito sa ulo niya dahil sa pagiging matiyaga (pasensiyoso), hindi gahaman sa puwesto, at kapalaran. Maituturing namang isang tunay na “statesman” ang Pangulo sa paghirang kay Carpio dahil bagamat kasalungat niya ito sa mga polisiya, kabilang ang pagkamkam ng China sa West Philippine Sea at hindi pagkibo sa pagpabor ng Arbitral Tribunal sa Pilipinas, pinili pa rin niya si Carpio.
Dalawang beses nang na-bypass si Carpio. Noong 2010 nang hirangin ni GMA si Renato Corona at noong 2012 nang sorpresang hirangin ni exPNoy si Sereno na dalawang taon pa lang sa SC, batang-bata at “hilaw” pa kumbaga sa prutas.
Sakaling mahirang bilang Chief Justice si Carpio, ay magreretiro naman siya sa Oktubre 2019. May isang taon siyang magsisilbi para pamunuan ang sangay ng gobyerno (Hudikatura) na kapantay ng Executive Branch at Legislative Branch.