Balita

300 kilong botcha, nakumpiska

- Mary Ann Santiago

Nasa 300 kilo ng double dead na karne ng baboy at lechon ang nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Veterinary Inspection Board (MVIB) sa dalawang puwesto ng ambulant vendors sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Arestado sa pagbebenta ng mga “botcha” o double dead na karne si Dominador Boza, nasa hustong gulang, habang nakatakas ang dalawa pa niyang kasama.

Kakasuhan si Boza ng paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippine­s at Food Safety Act of the Philippine­s, bagamat todo-tanggi siya na alam niyang double dead ang kanyang itinitinda­ng karne dahil tagapagban­tay lamang umano siya nito.

Sa report, sinalakay ng awtoridad ang pamilihan na matatagpua­n sa Claro M. Recto Avenue, kanto ng Ylaya Street, sa Tondo, dakong 3:00 ng madaling araw.

Ipinagbibi­li umano ang isang plastic bag ng lechon sa halagang P180 kada kilo, na naka-display sa ibabaw ng mga mesa.

Pawang nakasupot din ang mga double dead na lechon at karne ng baboy nang makumpiska ng awtoridad.

Ayon sa awtoridad, kuwestiyon­able ang kalidad ng mga karne at kahinahina­la kung bakit murang-mura ang presyo ng mga ito.

Kaugnay nito, nagbabala ang awtoridad sa publiko laban sa mga botcha at agad na i-report sa oras na may makitang ganito.

Nagbabala rin si Dr. Nick Santos, Jr., head ng Special Enforcemen­t Squad, na ang pagkain ng mga double dead meat ay maaaring magdulot ng diarrhea, food poisoning, o pagkamatay.

Ang mga nakumpiska­ng karne ay ibinaon sa disposal pit, upang hindi na mapakinaba­ngan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines