Balita

7 sugatan sa pagsabog sa GenSan

- Martin A. Sadongdong

Nabulabog sa malakas na pagsabog ang isang pharmaceut­ical store sa General Santos City na ikinasugat ng pitong katao, kahapon ng umaga, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa inisyal na ulat mula sa Soccsksarg­en Police Regional Office (PRO-12), sinabi ni PNP spokesman Senior Supt. Benigno Durana, Jr. na ang insidente ay naganap sa isang botika, katabi lamang ng Hadano Park, Crossing Makar sa national highway ng lungsod, bandang 11:40 ng umaga.

Hindi agad nakuha ng awtoridad ang pagkakakil­anlan ng pitong nasugatan, na isinugod sa Saint Elizabeth Hospital sa nabanggit na lungsod.

Kinukumpir­ma pa ng pulisya ang unang ulat na nakita ng mga testigo ang dalawang lalaking lulan sa isang motorsiklo at nag- iwan ng isang bag sa gilid ng botika, ilang minuto bago ang pagsabog.

Ayon sa awtoridad, isang uri ng improvised explosive device (IED) ang ginamit sa insidente.

Naganap ang pagsabog isang buwan ang nakalilipa­s nang magkaroon ng dalawang insidente ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat na nasasakupa­n din ng Soccsksarg­en region, na ikinasawi ng limang katao at ikinasugat ng 48 iba pa.

Nitong nakaraang Agosto, isa ring IED ang sumabog sa Barangay Kalawag 3, Isulan, Sultan Kudarat, na ikinamatay ng tatlong katao at ikinasugat ng 36 na iba pa.

Isa ring IED ang sumabog sa Bgy. Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat, na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 12 iba pang sibilyan nitong Setyembre 2.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines