SK kagawad ‘nagtulak’ para makapag-aral
Nasa P200,000 halaga ng hinihinalang marijuana ang narekober sa dalawang estudyante, isa sa mga ito ay Sangguniang Kabataan (SK) kagawad, sa Caloocan City, nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Mariel Catoltol, 22, estudyante, SK kagawad ng Barangay 119, at residente ng 2nd Street, 4th Avenue, Caloocan City; at Wilrose Borromeo, 20, estudyante, at residenteng A. Mabini St., Bgy. 22, Caloocan City.
Hindi kabilang ang mga suspek sa drug watchlist.
Nagsagawa ng entrapment operation ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency sa A. Mabini St., Bgy. 22, bandang 11:45 ng umaga.
Sa imbestigasyon, bumili ang poseur buyer ng P500 halaga ng marijuana sa mga suspek at tuluyang inaresto hanggang sa nakumpiska ang limang bundle ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Katwiran ni Borromeo, napilitan siyang magtulak ng droga para matustusan ang kanyang pagaaral. Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).