Drug suspect utas sa transaksiyon
Patay ang isang drug suspect matapos umanong manlaban sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang napatay sa alyas na Buknoy, na hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), nagkasa ng buybust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Moriones Police Station (PS-2), sa pamumuno ni Police Senior Insp. Alfred Tan, Jr., laban sa suspek sa Barangay 20, Pier 2, Parola Compound, Tondo, dakong 2:05 ng madaling araw.
Nagpanggap na buyer ng droga si PO1 Jerry Saratobias, at sa tulong isang regular confidential informant (RCI) ay matagumpay na naisagawa ang transaksiyon.
Gayunman, nang magbigay ng pre-arranged signal sa kanyang mga kasamahan si Saratobias ay nakahalata ang suspek na pulis ang kliyente kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang awtoridad ngunit nagmintis.
Gumanti naman ang pulis at tinamaan ang suspek.
Narekober sa suspek ang isang caliber .9mm na may apat na bala, isang itim na leather pouch na may 10 pakete ng hinihinalang shabu, isang pakete ng shabu na nabili ng poseur buyer, P500 buy-bust money, at drug paraphernalia.