Balita

Lolo kulong sa tangkang pananaksak

- Mary Ann Santiago

Sa rehas ang bagsak ng isang lolo nang tangkaing saksakin ang kanyang kapitbahay at ang mga pulis na umaresto sa kanya sa Barangay Addition Hills, Mandaluyon­g City, kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Clarito Samadilla, 72, na sasampahan ng mga kasong attempted homicide, direct assault at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 (BP6) o illegal possession of bladed weapon.

Inaresto si Samadilla bunsod ng reklamo ng kanyang mga kapitbahay na sina Marilyn Camar, 51; anak na si Adrian Camar, 23, pawang residente ng Welfarevil­le Compound, sa Barangay Addition Hills; at mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP-1) ng Marikina City Police na sina PO1 Rodel Raganit at PO1 Benjamin Soriano.

Sa ulat ng Mandaluyon­g City Police kay Eastern Police District (EPD) director, Police Senior Supt. Bernabe Balba, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Samadilla at Camar sa loob ng kanilang compound at bumunot ng patalim ang suspek at tinangkang saksakin ang ginang, bandang 10:00 ng umaga.

Nakita ni Adrian ang pangyayari kaya sinuntok ang suspek, ngunit sinaksak siya nito at tinamaan sa kanang braso.

Ini-report sa awtoridad ang insidente at rumesponde sina PO1 Raganit at PO1 Soriano at tinangkang pasukuin ang suspek, ngunit maging sila ay sinaksak nito.

Sa kabila ng tinamong mga sugat ay naaresto pa rin ng mga pulis si Samadilla at nakumpiska ang ginamit na patalim.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines