3 BoC officials, sinibak sa katiwalian
MARIVELES, Bataan Ipinatapon sa Bataan Ports ang tatlong opisyal ng Bureau of Customs (BoC) matapos silang sibakin sa puwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa katiwalian.
Ito ay kasunod ng Customs Personnel Order ni BoC Commissioner Isidro Lapeña laban sa tatlong Priincipal Appraisers, na hindi muna binanggit ang pangalan.
Isinailalim ang mga ito sa 'floating status'.
Nagdesisyon si Lapeña na "itapon" ang mga ito sa ilang puerto sa Bataan, bilang kaparusahan sa mga kinasasangkutang irregularidad at katiwalian sa kani-kanilang dating posisyon.
Ang una sa kanila ay isinasangkot sa kontrobersiyal na P6.4 bilyong shabu na naipuslit sa bansa sa panahon ni Commissioner Nicanor Faeldon, ang ikalawa ay dating nakapuwesto bilang principal appraiser sa Port of Manila at ang panghuli ay dati nakapuwesto sa Manila International Container Port (MICP).