Balita

2 nagbebenta ng Kush online, timbog

- Mary Ann Santiago

Arestado ang isang criminolog­y student at isa pa niyang kasamahan matapos matuklasan ang pagbebenta umano nila ng imported na high-grade marijuana, gamit ang social media, sa San Juan City, nitong Biyernes.

Batay sa ulat sa Eastern Police District (EPD), na pinamumunu­an ni Chief Supt. Bernabe Balba, kinilala ang mga naaresto na sina John Joseph Delos Reyes, 20, binata, BS Criminolog­y student sa isang unibersida­d sa Maynila, at taga-Barangay Balong Bato; at Lloyd Lumogdang, 23, ng Bgy. Pedro Cruz, San Juan City.

Sa report ni San Juan City Police chief, Senior Supt. Dindo Reyes, nabatid na dakong 12:10 ng umaga nang maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcemen­t Unit (SDEU) ang mga suspek sa N. Domingo Street, sa Bgy. Balong Bato.

Nauna rito, nakatangga­p ang pulisya ng tip na si Delos Reyes ay supplier umano ng high-grade na marijuana, na kilala sa tawag na “Kush”, habang si Lumogdang naman ang nagsisilbi umanong runner ni Delos Reyes, kaya isinailali­m sa surveillan­ce ang dalawa.

Dinampot ng grupo ng SDEU, sa pangunguna ni SPO3 Gerard Crisostomo, ang mga suspek nang maaktuhan umanong nagbebenta ng Kush, sa tulong ng isang impormante na naging customer ng dalawa.

Sinabi ni Senior Supt. Reyes na umamin umano ang mga suspek sa pagbebenta ng dried marijuana leaves, na galing pa sa ibang bansa at ipinadadal­a sa kanila sa pamamagita­n ng postal service, kaya rito naman nakatuon ang imbestigas­yon ng mga awtoridad.

Nakapiit na ang mga suspek, na nakumpiska­han umano ng P3,000 halaga ng Kush at marked money.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines