Balita

Ang naiibang pagsapit ng ‘ber’ months

- Clemen Bautista

KARANIWANG may hatid na kagalakan kapag sumapit ang ‘ber’ months—September, October, November at December, lalo na sa mga manggagawa at empleyado sapagkat kapag sumapit na ang huling linggo ng Nobyembre o ang una at ikalawang linggo ng malamig na Disyembre, ay natatangga­p na nila ang kanilang Christmas bonus mula sa kanilang mga employer na hindi makunat na parang belekoy. Kasunod naman nilang tatanggapi­n ang 13th month pay. Ang nasabing mga biyayang ito sa mga empleyado at manggagawa ay kailangang ibigay ng mga employer sapagkat iniaatas ito ng batas.

Ngunit nakalulung­kot nga lamang kung minsan sapagkat ang nasabing biyayang ay hindi naibibigay nang buo. Ginagawa ito ng mga barat at makukunat pa sa belekoy na mga employer. Mababangit na halimbawa ang ilang tusong negosyante­ng Koreano at Intsik.

Ang Christmas bonus at 13th month pay ay malaking tulong sa mga empleyado at manggagawa sapagkat may magagamit na panggastos ang pamilya. Maibibili kahit paano ng bagong sapatos at damit sa ukay-ukay sina Nene at Totoy. Ang malalabing halaga’y maaaring magamit na pambili ng mga maihahanda sa Pasko.

Ugali at nakaugat na sa tradisyon at kulturang Pilipino na ipagdiwang ang pagsilang ng Dakilang Mananakop tuwing sasapit ang ika25 ng Disyembre. May krisis man sa kabuhayan o wala, ang pagsilang ng Mananakop ay hindi nalilimuta­ng ipagdiwang ng mga Pilipino. Marami ang naniniwala na ang Pasko ang pinakamasa­yang pagdiriwan­g sa lahat ng okasyon na nasa kalendaryo ng ating panahon, dahil kaarawan ito ng Anak ng Diyos—si Jesus Christ— ang Dakilang Alay sa sangkatauh­an ng Diyos Ama.

Ang pagsapit ng ‘ber’ months ay may hatid ding pangamba sa marami nating kababayan sapagkat panahon ito ng pagkakaroo­n ng malalalaka­s na bagyo. Kapag nananalasa at humagupit sa probinsiya­ng dinaanan nito, lugmok ang kabuhayan, nawawasak ang maraming tahanan, nasisira at nalulubog sa tubig ang mga tanim na palay at gulay ng ating mga magsasaka. Ngayong 2018, mababanggi­t na halimbawa ang hagupit at pananalasa ng bagyong ‘Ompong’, na ang dalang malakas na mga pag-ulan ay nagbunga ng mga landslide o pagguho ng lupa mula sa bundok tulad sa lalawigan ng Benguet.

Marami tayong kababayan na natabunan ng pagguho ng lupa. Ayon sa pulisya, tinatayang may 64 na katao ang namatay at 45 ang nawawala. Idagdag pa ang mga bahay na winasak rin ng nasabing mga pagguho ng lupa. At ang nakalulung­kot, ang mga kababayan natin na biktima ng landslide ay matagal bago nasakloloh­an o kaya ay matagal bago nakuha ang kanilang mga bangkay. Ang iba’y hindi na natagpuan.

Walang magawa ang mga kamaganak at mahal sa buhay ng mga biktima kundi ang lumuha at tangisan ang nangyari sa kanilang mga mahal sa buhay na nalibing nang buhay sa mga gumuhong lupa.

Ang landslide ay hindi lamang sa Cordillera nangyari. May naganap ding landslide sa Cebu. Ayon sa report ng pulisya, nasa 25 katao ang namatay kabilang ang isang apat na taong gulang na batang babae. Marami pa ang iniulat na nawawala, at may ilang nasugatan nang gumuho sa kanilang bahay ang tone-toneladang lupa. Nangyari ang pagguho ng lupa sa Barangay Tinaan, Naga City, Cebu.

Sa nasabing pagguho ng lupa, patuloy na nagsasagaw­a ng search at rescue operations ang Joint Task Force. Binubuo ito ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). Batay sa ulat ng PDRRMO, nangyari ang trahedya bandang 6:00 ng umaga.

Ayon naman sa pahayag ng isa sa mga naniniraha­n sa Bgy. Tinaan, nagluluto siya nang makarinig ng malakas na ugong na nagmumula sa paanan ng bundok sa nasabing barangay. Nang tingnan ay tumambad sa paningin ang dumadausdo­s o gumuguhong malaking bahagi ng bundok.

Ang pagguho ay patungo sa mga kabahayan sa paanan ng bundok at tinatayang aabot sa mahigit na 100 katao ang pinaniniwa­laang natabunan ng landslide. Bukod sa Bgy. Tinaan, apat pang barangay ang apektado ng landslide.

Ngayong ‘ber’ months, marami sa ating mga kababayan ang nagdarasal na huwag na sanang magkaroon ng malalakas na bagyo sapagkat ang bawat bagyong dumaan at humagupit sa lalawigang tinamaan nito ay nagreresul­ta sa pagkamatay ng ating mga kababayan. Nawawasak ang mga tahanan at nalulugmok ang kabuhayan ng mga biktima ng kalamidad.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines