Clark Jets, liyamado sa Globe 7s
TARGET ng Clark Jets ang back-to-back gold medals ngayong weekend sa paglarga ng second round ng 2018 Globe 7s National Development Series.
Ipaparada ng Jets ang matikas na line up, tampok sina Jonel Madrona, Kingsley Ballesteros, JR Ramirez at Michael Maralas. Kabilang si Ballesteros sa napili kamakailan para sa Volcanoes top tier 7s program.
“The Jets have an impressive local development program, they are fortunate to see their investment pay off with numerous players playing rugby at an impressive level now. I have witnessed their junior players rise, they will be hard to beat on Saturday,” pahayag ni Jake Letts ng Philippine Rugby.
Walong koponan na hinati sa dalawang grupo sa Men’s division ang lalaro sa kabuuang 19 matches kung saan ang mananalo sa magkabilang pool ay uusad sa Gold Medal match. Makakasama ng Jets sa Pool A ang Makati Chiefs, Albany Bulkans at Bulacan Bombers. Maglalaban sa Pool B ang Santos Knight Frank Mavericks, Eagles RFC, La Liga at Subic Sharks.
Magsisimula ang aksiyon ganap na 9:00 ng umaga sa Southern Plains sa Calamba, Laguna.