Balita

Canadian, utas sa ambush

- Liezle Basa Iñigo

SAN MANUEL, Pangasinan - Pinagbabar­il at napatay ng isa sa apat na hindi nakikilala­ng lalaki ang isang Canadian medical practition­er habang papasakay sa kanyang kotse sa San Manuel, Pangasinan, nitong Sabado ng umaga.

Dead on arrival sa Sacred Heart Hospital sa Urdaneta si Mario Asumio, 64, binata, ng Barangay Nagsaag, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon kay San Manuel Police chief, Chief Insp. Leonard Zacarias.

Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente sa harapan ng bahay ni Asumio sa Zone 1, Bgy. Nagsaag, dakong 8:10 ng umaga.

Paalis pa lang ang biktima at pasakay sa kanyang kotse nang biglang paputukan ito ng isa sa backrider, na kabilang sa apat na armadong sakay sa dalawang motorsiklo na parehong walang plate number.

Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na direksiyon.

Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng .45 caliber pistol.

Sa pahayag ng mga residente, kararating lamang ng biktima galing ng Canada, nitong Setyembre 3.

Bumuo kaagad ng special investigat­ion task force si Pangasinan Police Provincial Office director, Senior Supt. Wilzon Lopez, upang resolbahin ang kaso.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines