Balita

Bata at obrero nalunod

- Mary Ann Santiago

Dalawang katao, na kinabibila­ngan ng isang estudyante at isang trabahador ng barge, ang patay matapos na malunod sa magkahiwal­ay na insidente sa Marikina at Maynila, iniulat kahapon.

Sa ulat ng Marikina City Police, nadiskubre ang bangkay ng ‘di pinangalan­ang babae, 10, sa Tumana River, Doña Petra, sa Barangay Tumana, bandang 10:00 ng umaga kamakalawa.

Una rito, bandang 1:00 ng hapon nitong Setyembre 22, nagkayayaa­n ang biktima at kanyang mga kaibigan na maligo sa Sta. Ana River.

Gayunman, tinangay umano ang biktima nang malakas na agos ng tubig kaya agad na tinawag ang ina ng biktima.

Pagbalik nila sa ilog ay hindi na nila nakita ang biktima hanggang sa narekober sa Tumana River, kamakalawa ng umaga.

Samantala, sa ulat naman ng Manila Police District (MPD), umiihi lamang sa gilid ng nakadaong na barge ang biktimang si Edward Pedro, 56, trabahador, ng Phase 6, Lower Kalakhan, Olongapo City, nang madulas at mahulog sa Pasig River, sakop ng Slope Terminal sa Cristobal Street, Paco, Maynila.

Ayon kay Police Insp. Glenzor Vallejo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigat­ion Section (CAPIS), dakong 10:30 ng gabi na nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa naturang ilog at nahila sa pampang ni Petty Officer 3 Roel Guevarra, ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa salaysay ng saksing si James Villanueva, lasing ang biktima nang umihi sa gilid ng barge at nadulas ito hanggang sa nalaglag sa tubig.

Humingi ng tulong si Villanueva sa PCG at tinangkang sagipin ang biktima, ngunit wala na itong buhay nang maiahon ng awtoridad.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines