Balita

Nagnenok ng chocolates, kulong

- Jel Santos

Naghihimas ng rehas ang isang lalaki dahil sa pagnanakaw ng pitong piraso ng tsokolate sa Mandaluyon­g City, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Moises Villaceran, Jr., Mandaluyon­g police chief, ang suspek na si Renato Calupas, Jr., 33, ng Baclaran, Parañaque City.

“Kailangan ko po kasi ng panggastos,” pangangatw­iran ng suspek, nang tanungin ni Villaceran kung bakit ito nagnakaw ng mga tsokolate.

Sa police report, inaresto si Calupas ng mga security guards ng isang mall sa nasabing lungsod, bandang 5:30 ng hapon.

Ipinasok umano ng suspek ang mga tsokolate sa kanyang pulang bag. Napansin siya ng mga guwardiya dahil sa kanyang kahina-hinalang kilos.

Ayon sa mga guwardiya, nang buksan nila ang bag ng suspek ay natagpuan ang P1,172 halaga ng tsokolate.

Ang mga tsokolate ay limang piraso ng Cadbury Dairy Milk Chocolate, P174.50 bawat isa; at dalawang Hershey Milk Chocolate, P299.50 kada piraso.

Idiniretso ang suspek sa Mandaluyon­g police.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines