Last-minute registrants, dumagsa

Balita - - News - Mary Ann Santiago

Kasunod ng pagtatapos kahapon ng voter’s registration ng Commission on Elections (Comelec) para sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019, inihayag naman ng ahensiya ang pagsisimula ng special voter’s registration para sa Marawi City, Lanao del Sur, bukas, Oktubre 1.

Tulad nang inaasahan, maaga pa lamang kahapon ay dinagsa na ng mga hahabol sa huling araw ng pagpaparehistro ang mga tanggapan ng Comelec sa buong bansa.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, base sa kanilang monitoring, bago pa magbukas ang mga tanggapan ng komisyon sa iba’t ibang panig ng bansa ng 8:00 ng umaga ay mahaba na ang pila ng mga magpaparehistro.

Aniya, inaasahan na ng Comelec ang nasabing pangyayari dahil maraming Pinoy ang sadyang “deadline beater” o madalas na sa huling araw nagpaparehistro.

Nanindigan naman si Jimenez na hindi na palalawigin pa ang voter’s registration, na nagtapos dakong 5:00 ng hapon kahapon.

Kaugnay nito, sisimulan naman bukas ang special registration of voters sa Marawi City.

Alinsunod sa Resolution No. 10426, na nilagdaan ng Comelec en banc, nitong Huwebes, magtatagal ng dalawang linggo ang naturang special voter’s registration, o hanggang sa Oktubre 15.

Aniya, tatanggap ang Comelec ng aplikasyon para sa bagong registration, transfer/transfer with reactivation, reactivation, change/correction of entries at inclusion/reinstatement ng record sa listahan ng mga botante, sa mga Office of the Election Officer (OEO) sa lungsod, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Ayon sa Comelec, nagpasya silang magdaos ng special voter’s registration, upang matiyak na lahat ng kuwalipikadong botante sa Marawi ay makakaboto sa plebisito para sa ratipikasyon ng RA 11054, o ang “Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao” sa Enero 21, 2019, gayundin sa mid-term elections sa Mayo 13, 2019.

Ayon sa Comelec, target nitong makapagtala ng hanggang 61 milyong botante para sa mid-term elections.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.