R120K ‘marijuana’ nasamsam sa drug suspect

Balita - - News - Jhon Aldrin Casinas

Nasa P120,000 halaga ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam sa isang drug suspect matapos itong arestuhin ng anti-narcotics team ng Quezon City Police, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng awtoridad ang suspek na si Joel Argueles, alyas Eduardo, 26, ng General T. De Leon, Valenzuela City.

Sa imbestigasyon, nagsagawa ng buy-bust operation ang Novaliches Police Station (PS-4) Drugs Enforcement Unit (SDEU) laban sa isang “Eduardo” sa tapat ng isang fast food restaurant sa kahabaan ng Kingspoint corner Quirino Highway, Barangay Bagbag, Novaliches sa Quezon City, dakong 9:25 ng gabi.

Ayon sa awtoridad, nakipagtransaksiyon ang isang poseur buyer sa isang “Eduardo” at bumili ng P1,000 ng marijuana.

Matapos maisagawa ang transaksiyon, inaresto na ng mga nakaantabay na anti-narcotics operatives ng istasyon ang suspek.

Narekober sa suspek ang isang ladrilyo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, na may bigat na 1 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P120,000; boodle money na P19,000; at ang buy-bust money.

Si Argueles ay nasa kustodiya ng PS-4 at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.