Pito huli sa aktong ‘bumabatak’

Balita - - News - Jun Fabon

Arestado ang pitong drug user, kabilang ang dalawa umanong holdaper, sa buy-bust operation sa Barangay Old Balara, Quezon City, iniulat kahapon.

Sa ulat ni Police Chief Insp. Edward Cantano, hepe ng Quezon City Police District- Drug Enforcement Unit (QCPD-DEU), kinilala ang mga suspek na sina Flomar Beron y Ramat, alyas Mar, 40; at Freddie Magno y Venus, 35, kapwa umano holdaper; John Miko Gagno y Rapadas, alyas Miko, 18; Anecito Mendoza y Torres, alyas Chito, 57; Alejandro Aldave y Javier, 38; Larry Doroy y Evanglio, 50; at Bernard Diñahan y Macapiot, 40.

Makaraang makatanggap ng impormasyon ang awtoridad hinggil sa madalas na shabu session sa lugar, agad na sumalakay ang mga operatiba ng DEU, sa pamumuno ni Police Chief Insp. Edward Cantano, sa hinihinalang drug den sa No. 5 Pook Dela Paz, Bgy. Old Balara at nahuli sa aktong bumabatak ng umano’y shabu ang mga suspek.

Nasamsam sa operasyon ang dalawang pakete ng umano’y shabu, mga drug paraphernalia, digital weighing scale, at buy-bust money.

Naghihimas ng rehas ang mga suspek sa QCPD-DEU at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.