Laguna de Bay: Isang pagbabalik-tanaw

Balita - - Opinyon - Clemen Bautista

MAIHAHAMBING na isang santuwaryo ng mga mangingisda ang Laguna de Bay noon sapagkat malaya silang nakapangingisda sa nasabing lawa na ang lawak noon ay may 90,000 ektarya. Sinasabing mayaman noon ang Laguna de Bay sa iba’t ibang isdang tulad ng kanduli, dalag, hito, bangus, bidbid, karpa, ayungin, biya, at tilapia.

Maging ang mga susô noon sa Laguna de Bay ay nagsilbing pangunahing pagkain ng mga alagang itik ng mga mamamayan sa Rizal at Laguna. Bukod pa ang mga hipon na nahuhuli sa sakag. Ipinagbibili sa mga palengke at inihahalo sa pagkain ng mga inaalagaang itik. Hanapbuhay noon ang pag-aalaga ng mga itik sa mga bayan sa Rizal na malapit sa Laguna de Bay.

Ang ibang pinalad o sinuwerte sa pag-aalaga ng mga itik ay nagsiyaman. Nakapagpaaral at napagtapos sa kolehiyo at unibersidad ang kanilang mga anak.

Ang inyong lingkod ay nag-alaga rin ng mga itik noong nag-aaral sa high school. Ako ang kumakahig ng mga susô sa Laguna de Bay na pangunahing pagkain ng inaalagaan kong mga itik. Bukod pa ang maliliit na hipon na huli sa sakag na isinasama o inihahalo sa sapal ng niyog at darak na pagkain din ng mga itik.

Alas kuwatro pa lamang ng madaling-araw ay nagsisimula nang kumahig ng mga susô sa Laguna de Bay. Alas siyete na ng umaga kung makabalik sa bayan at naisakay sa kariton ang mga susông inilagay sa sako. Ang nasabing mga susô ay inilalagay sa batyang may tubig at doon kinakain ng mga inaalagaan naming mga itik. Ang mga susô ay malaking tulong upang magpatuloy sa pangingitlog ang mga itik.

Ayon sa mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, ang pukot (isang uri ng pamalakaya sa Angono, Binangonan, Cardona at iba pang bayan sa Rizal at Laguna na malapit sa Laguna de Bay) ay maraming nahuhuling isda sa lawa. May pagkakataon pa na kapag “nababad” (maraming huling mga isda), halos inaabot ng maghapon bago matapos ang paghango sa mga nahuling isdang kanduli.

Ang mga biya at malalaking ayungin ay ipinagbibili naman sa ibang sakadora o mamimili ng mga isda. Dinadala at ipinagbibili sa mga palengke sa iba’t ibang bayan sa Rizal.

Ang mga mangingisda naman na hindi sumasama sa pukot ay may sariling mga sakag ng hipon, kitid, pante at pahuran (tawag sa pangkahig o pagkuha ng mga suso sa lawa) ay maligaya sapagkat maraming nahuhuling mga isda at nakakahig na mga susô at tulya sa lawa. Marami sa kanila ay umunlad ang buhay at hindi dumanas ng paghihikahos sa buhay na karaniwang dinaranas ngayon ng mga mangingisda sa lawa. May araw na maraming huling isda at may araw na kakaunti ang huling mga isda. Umaabot lamang sa dalawa o tatlong kilo ang naibebenta sa mga sakadora. Ang natira’y iniuuwi ng mga mangingisda para iulam ng pamilya.

Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa mga dating mangingisda at mamumukot sa Laguna de Bay, sinabi nila na noong wala pang mga itinayong fishpen sa Laguna de Bay ay malaya silang nangingisda kahit saang bahagi ng lawa. Ang mga pukot ay maraming nahuhuling isda at maging ang maliliit na mangingisda na kitid at pante ang gamit.

Sa pagtatayo ng mga fishpen sa Laguna de Bay, nabawasan ang lugar na pangisdaan ng malilit na mangingisda. Kailangan nilang lumayo sa mga fishpen at sa laot mangisda. Mapanganib rin na mangisda na malapit sa mga fishpen sapagkat itataboy sila ng mga fishpen guard na armado ng matataas na kalibre ng baril. Marami nang pagkakataon na may mga mangingisdang binaril at napatay ng mga fishpen guard, na ang naging kasalanan lamang ay nangisda malapit sa fishpen. Ang mga may-ari ng malalaking fishpen sa Laguna de Bay ay mga dating sirkero at payaso sa pulitika, mga dating heneral at iba pang mayaman at maimpluwensiyang negosyante.

Masaya at nagkakaroon ng magandang pagkakataon ang mga malilit na mangingisda sa lawa kapag nagkaroon ng malakas na bagyo, na dahilan para mawasak ang malalaking fishpen sa lawa.

Ang pangangalaga sa Laguna de Bay at ang pagbibigay ng permit sa mga fishpen operator na makapagtayo ng mga fishpen ay nasa pamamahala ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Isang ahensiya ng pamahalaan na pinagkatiwalaan ng mamamayan na mangangalaga sa Laguna de Bay upang mapakinabangan ng lahat, hindi lamang ng iilan maimpluwensiyang tao ang lawa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.