Popularidad

Balita - - Opinyon - Bert de Guzman

LABIS ang popularidad ni ex-Pres. Benigno S. Aquino III, aka PNoy, nang ihalal siya ng mga tao noong 2010. Sukdulan ang pag-ayaw ng taumbayan noon kay ex-Pres. Gloria MacapagalArroyo dahil umano sa kurapsiyon kaya ibinoto nila si PNoy na akala nila ay walang bahid ng katiwalian.

Naniniwala ang mga tao na sinayang ni PNoy ang tinamong approval mula sa mga Pinoy na hindi magiging corrupt ang kanyang administrasyon, tulad ng corruption ng kanyang hinalinhang

presidente.

Isinulong at ipinagmalaki niya ang “Tuwid na Daan” na ang adhikain ay maging matuwid, maayos at makatarungan ang kanyang pamamahala. Subalit sa dakong huli, ang “Tuwid na Daan” ay naging isa umanong “Baluktot na Daan” na tinampukan ng bilyun-bilyong pisong kurapsiyon sa PDAF (Priority Development Assistance Fund) at DAP (Disbursement Acceleration Program).

May mga miyembro ng PNoy cabinet ang nasangkot noon sa katiwalian. Nagalit ang mamamayan sa kanya nang mapatay ang 44 na miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao. Nag-ulol ang galit ng mga Pinoy kay Noynoy nang sa halip na salubungin ang mga bangkay ng 44 SAF commandos sa Villamor Air Base, ang pinuntahan niya ay ang inagurasyon ng isang Japanese car manufacturing

company sa Santa Rosa, Laguna.

Ganito rin ngayon ang popularidad ni President Rodrigo Roa Duterte. Ibinoto siya ng 16.6 milyong Pinoy noong May 2016 elections. Labis ang kanyang kasikatan o popularidad tulad ni PNoy. Inilampaso niya sa presidential race sina Mar Roxas at Grace Poe.

Bumilib ang mga tao sa pangako ni PRRD: l) Susugpuin ang illegal drugs (itutumba ang mga pusher at user) sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Magbibitiw siya at ibibigay ang puwesto sa vice president kapag hindi ito natupad; 2) Tatagpasin ang kurapsiyon sa gobyerno at ipakakain sa mga isda ang bangkay ng tiwaling mga pinuno; 3) Palulusugin ang ekonomiya; 4) Sasakay sa jet ski para pumunta sa West Philippine Sea upang “itanim” ang bandilang Pilipino roon at pagsabihan ang China na atin ang mga shoal at reef sa WPS; 5) Lulutasin ang trapiko sa EDSA; 6) Wawakasan ang “Endo”; 7) Magiging

mapayapa ang Mindanao at ang buong bansa, at lilipulin ang Abu Sayyaf Group at mga terorista.

Sana, ang pagtitiwala ng mga mamamayan kina PNoy at PRRD ay nailagay sa tamang direksiyon. Ngayon, ang Duterte administration ay nililigalig ng mga problema. Para sa mga kritiko, hindi natupad ni PRRD ang kanyang mga pangako. Laganap pa rin ang kurapsiyon, patuloy ang illegal drugs kahit libu-libong pushers at users ang naitumba ng mga pulis. Okupado pa rin ng China ang mga shoal at reef na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone. Usad-pagong ang trapiko sa EDSA at magulo pa rin sa Mindanao.

Habang isinusulat ko ito, wala pang desisyon ang Makati Regional Trial Court Branch 148 tungkol sa kasong coup d’etat laban kay Sen. Antonio Trillanes IV. Wala itong piyansa ‘di tulad ng kasong rebelyon

na hinawakan ng Makati Regional Trial Court Branch 150.

Ibinunyag ni PRRD ang planong patalsikin siya ng CPP-NPA ni Joma Sison, Liberal Party, at Magdalo Group ni Trillanes sa Oktubre. Tinawag itong “Red October Destabilization Plot”. Itinanggi ito nina Joma, LP, at Trillanes. Pero naniniwala si Mano Digong na may ilang kawal na gusto siyang pabagsakin.

Mawawala ang destabilization plot na iyan kung ang administrasyon ay magtutuon ng higit na pansin sa paglutas sa inflation, pababain ang presyo ng mga bilihin, bigas, isda, karne, gulay at iba pa. Huwag masyadong ituon ang pansin kay Trillanes at sa iba pang mga kritiko ng Pangulo sapagkat sa dakong huli, malalaman din ng sambayanang Pilipino kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.