Higit na kooperasyong militar ng Pilipinas at Amerika sa 2019

Balita - - Opinyon -

ASAHAN na ang higit na pagtutulungan sa pagitan ng militar ng Pilipinas at United State makaraang magtapos ang Mutual Defense Board - Security Engagement Board (MDB-SEB) meeting, nitong Huwebes.

Bilang kinatawan ng militar ng Pilipinas, dumalo sa pagpupulong sa Camp Aguinaldo sa Quezon City si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff, Gen. Carlito Galvez, Jr., habang si Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) head, Admiral Philip Davidson ang kumatawan sa US.

“We have been doing this, year after year, and yet there is still so much left to learn. We hope that this year would be another fruitful interaction that will lead to favorable outcome. May our discussions lead to actions, and may these actions thereby lead us to success,” pahayag ni Galvez.

Ang USINDOPACOM ang sinasabing pinakamatanda at pinakamalaking military combatant command ng Amerika.

Nakabase sa Hawaii, binubuo ito ng 380,000 sundalo, manlalayag, marino, airmen at mga coast guard na sila ring namamahala para sa lahat ng aktibidad ng US military sa Indo-Pacific, na sumasakop sa 36 na bansa.

Kapwa nangako sina Galvez at Davidson na magpapatuloy at paglalakasin pa ang ugnayan sa pagitan ng militar ng Pilipinas at Amerika.

Naaprubahan din sa pagpupulong ang 281 security cooperation activities sa pagitan ng dalawang bansa para sa 2019, mas mataas kumpara sa 261 aktibidad na inilatag ngayong taon.

“Both the Philippines and the US look forward to the ongoing, close cooperation in areas that are vital to national and security interests, including counterterrorism, maritime security, cyber security, humanitarian assistance and disaster relief,” ani Galvez.

Ang MDB ay itinatag noong 1958 habang ang SEB naman ay noong 2006. Ang dalawang konseho ang namamahala ng taunang MDB-SED meeting para sa pagbubuo ng balangkas sa depensa at seguridad na kooperasyon sa pagitan ng militar ng Pilipinas at Amerika.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.