Palpak na pabahay sa Leyte, isinisi sa NHA
Nasa balag na alanganin ang National Housing Authority (NHA) dahil sa viral video kaugnay ng nadiskubreng substandard na pabahay nito sa mga biktima ng lindol sa Ormoc, Leyte, kamakailan.
Kinukuwestiyon ni Davao City (1st District) Rep. Karlo Nograles ang pamantayan ng NHA sa pagpapatayo ng pabahay sa bansa.
Makikita sa video ang hindi maayos na materyales na ginagamit sa pagpapatayo ng pabahay sa nasabing lugar.
"The NHA should be questioned for allowing this to happen. This makes me wonder if the NHA's standards for choosing contractors for projects is really that bad," diin ni Nograles, chairman ng House Appropriations Committee.
Tinukoy ng kongresista ang serye ng Facebook videos, na may petsang Setyembre 24, 2018, kung saan makikita ang dismayadong si Ormoc City Mayor Richard Gomez habang tsini-check nito ang isang housing unit na para sana sa mga naapektuhan ng lindol sa Barangay Gaas noong Hulyo 2017.
Sa nasabing footage, hindi makapaniwala ang alkalde sa nakitang marurupok na hollow blocks na ginagamit ng isang private contractor sa nabanggit na proyekto.
Mungkahi ng alkalde, dapat siyasatin ng NHA ang materyales bago gamitin sa pabahay.
"Kawawa ang mga kaprobinsyano natin na tinamaan na nga ng kalamidad, bibigyan pa ng palpak na housing units. This is a very serious matter because this kind of construction might be a standard practice in all NHA housing projects. Hindi ba madami ring naging reklamo tungkol sa mga NHA projects para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda noong 2013?" tanong ni Nograles.