Euro Pop champ Ryan Tamondong, may album na
INILUNSAD na ng Euro Pop Berliner Perle 2015 grand prix champion na si Ryan Tamondong ang kanyang self-titled debut album mula sa Star Music.
Dating contestant si Ryan sa I Can See Your Voice ng ABSCBN, na nasungkit ang ikalawang puwesto sa isang episode ng nasabing mystery music game show. Ngayon may album na siya at kasalukuyang ipinakikilala ang kanyang pop love single na Haay Pag-ibig, mula sa komposisyon ng kanyang manager, ang songwriter na si Joel Mendoza.
Isang Conservatory of Music student sa University of Santo Tomas si Ryan, na tampok din sa “OPM Refreshed” ng Star Music YouTube channel.
Nakapaloob sa kanyang album ang live version niya ng OPM classic na Sana Ay Ikaw Na Nga, ang Basil Valdez original mula sa komposisyon ni Cecile Azarcon Inocentes.
Ilan pa sa dapat mapakinggan sa album ni Ryan ang Ikaw Ang Panaginip at Ako’y Minamahal Mo Pa Rin, na isinulat rin ni Joel; at ang Since You Went Away, mula sa komposisyon nina Joel at Vehnee Saturno.
Ang bagong Star Music talent ang kauna-unahang Asian na sumali at nagwagi sa Euro Pop Berliner Perle grand prix championship sa Germany. Dahil sa pagkakapanalo niya rito, siya rin ay itinanghal na International Achievement Awardee sa 29th Awit Awards.
Pakinggan at i-download na ang mga awitin ni Ryan sa digital stores. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang starmusic.ph, i-like ang Star Music sa facebook.com/starmusicph, at sundan ito sa Twitter at Instagram @ StarMusicPH.