Nag-video ng shabu session, nilamog at kinatay
Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang obrero nang pagtulungang gulpihin at saksakin ng apat nitong kaibigan nang kunan nito ng video ang mga huli habang nagsa-shabu sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Dead on the spot si Randy Torres, 33, ng No. 12 Diamond Street, Interville Subdivision, Barangay 164 ng nasabing lungsod.
Sa pagsusuri ni Police Senior Insp. Sonny Boy Tepace ng Northern Police District-Crime Laboratory Office (NPDCLO), nalamog ang mukha at katawan ng biktima at may limang saksak sa katawan.
Sa follow-up operation ng Police Community Precinct (PCP) 7, naaresto ang isa sa mga suspek na si Mark Dumaging, 26, naninirahan sa Malibo St., Interville Subdivision, Bgy. 164, Caloocan City, habang pinaghahanap ang tatlo niyang kasamahan na sina John Carab; Jesus Ramos at Alvin Porlaje, pawang kalugar ng naarestong suspek.
Sa ulat, nag-iinuman ang mga suspek at biktima sa isang bakanteng bahay sa Malibo Area D. Bgy. 164 Caloocan City, bandang 9:45 ng umaga.
Sa gitna ng inuman, inilabas ni Porlaje ang umano’y shabu at niyaya ang mga kasama na bumatak at humithit nga ang tatlo pang suspek.
Hindi umano sumali si Torres at sa halip ay kinuha nito ang kanyang cell phone saka kinunan ng video at ang apat na suspek.
Dahil dito, nagalit ang mga suspek at ginulpi ang biktima.
Kahit gulpi-sarado, nagawang makatakbo ni Torres ngunit hinabol siya ng mga suspek at patuloy na ginulpi hanggang sa sinaksak gamit ang basag na bote.
Kinasuhan ang mga suspek ng murder.