14-anyos hinatak, hinipuan sa tricycle
“Dapat mabulok sa kulungan ang hayup na ‘yan. Manyakis!”
Ito ang ipinagsigawan ng isang ginang sa lalaking nangmolestiya umano sa kanyang 14-anyos na anak sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang naghihimas ng rehas sa Navotas Police ang suspek na si Marvin Licuanan, 39, ng No. 18B, Liangzon Street, Barangay San Roque ng lungsod.
Sa salaysay ng biktima, nakatayo siya kasama ang mga kaibigan sa kahabaan ng Bgy. Daang Hari, Navotas City, dakong 3:00 ng madaling araw.
Nilapitan umano siya ni Licuanan at hinatak sa loob ng tricycle at doon niyakap at pinaghihipuan sa maseselang parte ng katawan.
Agad na humingi ng tulong sa barangay ang mga kaibigan ng biktima kaya hindi natuloy ang plano ng suspek at dinakip ito.
Nasamsam kay Licuanan ang dalawang pakete ng umano’y shabu, kaya siya ay kinasuhan ng paglabag sa acts of lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse Law) at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).