Balita

Retired cop, 3 pa, huli sa theft

- Mary Ann Santiago

Isang retiradong pulis at tatlo pa umanong miyembro ng “Salisi Gang” ang naaresto ng mga pulis matapos na mambiktima ng isang negosyante sa loob ng shopping center sa Greenhills, San Juan City, kamakalawa.

Sa ulat na isinumite ni San Juan Police City Police chief, Police Senior Supt. Dindo Reyes kay Eastern Police District (EPD) director, Police Chief Supt. Bernabe Balba, kinilala ang mga suspek na sina dating SPO3 Nacasio Bautista, 57, ng Purok Landing, Barangay San Fernando, Alicia, Isabela City; Alma De Leon, 40, ng Bgy. Sampaloc III, Piela, Dasmariñas; Arnold Aloja, 32, ng Zapote Kabila, Bacoor; at Maricel Ocampo, 52, ng Talaba 4, Bacoor, Cavite City.

Sa ulat ng San Juan City Police, inaresto ang mga suspek nang ireklamo ni Connie Que, 43, na may RTW business, at residente ng Mayon Street ng Bgy. Amoranto, Quezon City.

Ayon kay Que, abala siyang nagbababa ng RTW goods mula sa kanyang sasakyan, kasama ang kanyang mga helper, upang dalhin sa stall nang biglang kunin ni Aloja ang kanyang bag sa loob ng van, bandang 12:00 ng tanghali.

Itinakbo umano ng suspek ang bag, na naglalaman ng P16,000; 38 piraso ng Yuan currencies; gold bracelet, na nagkakahal­aga ng P5,000; cell phones; ID cards at iba pang mahahalaga­ng gamit kaya hinabol ito ng mga helpers ng biktima.

Ipinasa umano ni Aloja ang bag kay De Leon at agad na sumakay sa Toyota Fortuner (AAA-2624), na minamaneho ni Bautista.

Nakita naman ng mga tauhan ng Police Community Precint (PCP-1), na pinamumunu­an ni Police Chief Insp. Edgar Escreza, ang nangyari kaya hinabol ang mga suspek.

Pagsapit sa Unimart, bumaba sa sasakyan sina De Leon at Aloja habang umalis naman ang sasakyan.

Matapos ang habulan ay naaresto ng mga pulis sina De Leon at Aloja, gayundin si Ocampo na nagsilbing lookout.

Si Bautista naman ay naaresto nang makorner sa shopping center sa Greenhills.

Narekober din ang bag ng biktima sa gilid ng kalsada kung saan ito inihagis ng mga suspek habang hinahabol sila ng awtoridad.

Idiniretso ang mga suspek sa San Juan City Police Station Headquarte­rs, at nadiskubre­ng retiradong pulis si Bautista.

Kakasuhan ang mga suspek ng theft.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines