Pagparusa sa nuisance candidates, diskriminasyon
Hindi sang-ayon si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon sa panukalang parusahan ang nuisance candidates dahil ito ay discriminatory at madi-discourage ang mga nais kumandidato sa halalan.
Paliwanag ni Guanzon, kung papatawan ng parusa ang mga maidedeklarang panggulong kandidato ay maaaring tuluyan nang mawawalan ng gana ang underprivileged aspirants na tumakbo sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno.
“Alam mo ako baka ma-penalize ‘yung mga walang pera, eh kung ganyan takot na lang ‘yung mga walang pera na mag-file... Ayoko ‘yan kasi ano ‘yan eh baka discriminatory ‘yan sa mga kakandidato na akala nila pwede sila eh biglang na-nuisance sila, hindi naman nila kasalanan ‘yun,” ani Guanzon, sa panayam sa radyo.
“Sa paniwala nila may kakayahan sila oh bakit ko sila ipe-penalize ‘pag sila ay na-nuisance, trabaho naman namin ‘yun, libre naman,” aniya pa.
Nangangamba rin si Comelec Spokesperson James Jimenez na posibleng lumikha ng ‘chilling effect’ ng Senate Bill 911 ni Senator Sherwin Gatchalian na naglalayong parusahan ang mga panggulong kandidato.
“Medyo mahirap i-operationalize siguro ‘yan ‘no, kasi paano ‘yan, isang tingin mo lang mag-decide ka na kaagad na nuisance candidate ‘yun? So hindi ‘yan applicable sa lahat ng kaso,” ani Jimenez, sa panayam sa telebisyon.
“Ibig sabihin niyan, ang mangyayari, magki-create ka ngayon ng parang risk, magfa-file ka lang ng COC (Certificate of Candidacy) kapag willing ka mag-risk na hindi ka made-declare na nuisance... ‘di kaya mag-create ng chilling effect ‘yan doon sa mga gustong tumakbo?” aniya pa.
Paliwanag pa niya, kahit may grounds ang Comelec sa pagdedeklara ng isang panggulong kandidato ay hindi naman mahuhulaan ito sa lahat ng pagkakataon.
“Kung minsan ‘yung akala mong talagang sure na sure, biglang nuisance,” ani Jimenez.