Listahan ng kandidato, ilalabas sa Disyembre
Target ng Commission on Elections (Comelec) na mailabas na sa Disyembre ang pinal na listahan ng mga opisyal na kandidato sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sinisimulan na ng Comelec ang evaluation sa mga Certificate of Candidacy (COC) na inihain ng mga senatorial aspirants at party-list groups nitong Oktubre 11-17.
Sinabi ni Jimenez na unang ie-evaluate ng Comelec ang mga COC ng mga nais kumandidato sa pagkasenador.
Magtatakda rin, aniya, ang Comelec ng pagdinig sa Nobyembre para sa mga idedeklarang nuisance candidates— na sasampahan ng komisyon ng disqualification case upang mabigyan ng pagkakataong maidepensa ang kandidatura kung bakit hindi dapat ideklarang nuisance.
“Titingnan natin ‘yung intention. Meron bang bona fide intention to run for office? Ibig sabihin, seryoso ba talaga ‘yung pagtakbo o ‘yung kandidatura ng tao?” sinabi ni Jimenez sa isang panayam sa radyo.
“Base d’yan magbubuo tayo ng listahan ng mga kakasuhan natin. ‘Yung mga kakasuhan natin, ‘yun ‘yung mga potentially made-declare na nuisance,” dagdag niya.
Sinabi ni Jimenez na ilan sa mga kandidato ay halata namang hindi seryoso sa pagkandidato, kabilang na rito, aniya, ang mga umaming gustong sumikat, at ang mga nagsasabing si Hesukristo ang nag-nominate sa kanila.
“’Yung mga ganyan, isang tingin pa lang alam mo na may problema ‘yan,” sabi ni Jimenez.
Gayunman, mayroon din naman umanong hindi “obvious”, o silang hindi masyadong kilala ngunit mukhang matino, at ito, ayon kay Jimenez ang pag-aaralang mabuti ng Comelec, at aalamin kung ano ang kakayahan sa pagkandidato.
Binigyang-diin ni Jimenez na nais ng Comelec na maraming pagpilian ang mga botante kaya titiyakin ng komisyon na hindi ito magkakamali kung sinu-sinong kandidato ang tatanggalin at kung sino ang isasama sa listahan.
May hanggang Nobyembre 29 naman ang mga kandidato upang boluntaryong i-withdraw ang kanilang kandidatura.
Nabatid na umabot sa kabuuang 152 ang senatorial aspirants at 185 party-list groups naman ang nakapaghain ng COC noong nakaraang linggo.